hindi ka binigyan ng layang pumili
ng sarili mong pangalan, ng sarili
mong relihiyon, ng sarili mong sarili
kaya't nang makita mong may mundo,
daigdig ng madidilaw na halakhak o
pulang dulang ng saganang balak,
pinlii mong tikman ang sinabi'y ikapapahamak
at magalak kang naganyak ng iba't
ibang hinagap labas sa kahon ng nakakahon
mong reyalidad, kontra-agos, pagbabalikwas.
bumalikwas ka't naghanap ng langit
sa pusali ng iyong sarili, inisip na wala
kang kalayaan, walang kalayaan mula
sa unang iyak hanggang sa huling dahak
maging ang pagpipilian ng iyong paghahanap
ng ano ang ano, sino ang sino at alin ang alin
ay nakahain na tinik sa pusang gagawing
manikin.
wala ka ngang kalayaan, mula't mula,
oo, dito sa absurdong mundong lahat ay nawawala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento