Madalas, ganitong maulan, magkasama tayo. Hindi natin alam kung saan tayo paroroon basta, ang mahalaga, magkasama tayo. Natatandaan mo, iyong unang pasyal natin? Alam kong tanda mo iyon. Alam ko. Kahit masakit na ang paa ko sa kalalakad, na ayaw kong sabihin sa iyo dahil alam mo namang matiisin ako, tuloy lang; basta may payong tayo at nagdidikit ang balikat natin, kahit basa ang daan, basta magkasama tayo. Isinisiksik kita sa balikat ko, sa kili-kili, sa ilalim ng payong, huwag ka lang mahalikan ng ulan. Kung kakayanin nga, piggy back. Gusto kong maramdaman ang init mo.
Kung kakayanin, maulan sana palagi. Hindi bagyo, ha? Maulan lang. Alam ko kasing makakasama kita, sa ganitong mga panahon. Ganitong parang nagluluksa ang langit, at parang luha ang latag ng butil-ulan sa mga payong, dalawa tayong may bahaghari sa dibdib.
Ganitong maulan, alam kong makasasama kita. Alam kong sasama ka.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento