Biyernes, Abril 22, 2011

KM64: "PALAYAIN SI ERICSON ACOSTA! PALAYAIN ANG LAHAT NG BILANGGONG POLITIKAL!"

Ito ang pahayag ng KM64:

PALAYAIN SI ERICSON ACOSTA! PALAYAIN ANG LAHAT NG BILANGGONG POLITIKAL!





















Gusto mo ng sample ni Ericson Acosta? Ito, pakinggan mo:

Walang Kalabaw Sa Cubao

Astig di ba?
Suportahan natin ang pagpapalaya.
Muli,

PALAYAIN SI ERICSON ACOSTA! PALAYAIN ANG LAHAT NG BILANGGONG POLITIKAL!

Tanong*

naghintay ako, hinintay
itong pagkakataon
na ang tugon natin
sa pangangamusta'y
singgaan ng mga ulap
sa bughaw na langit

oo, hinintay ko,
pinahupa ang mga ulan
na itinakwil ko noon
dahil sa alat at pait
na itinakwil ko
'pagka't mga sundang-na-saksak
silang sumasaksak
sa aking dibdib

pinahupa ko ang ulan
tulad nang kung paano
ko tiniis na taluntunin--
kahit may mga bubog--
ang mga lansangan
na iniwanan mo ng bakas

sinikap kong magpinta
ng araw
sa pisngi ng mga gabi
sa mga umaga, umukit
ng ngiti
lumikha ng distansiya
sa pagitan ng pagtanggap
at dalamhati

napagtagumpayan ko
ang lahat

ngayon, nag-uusap tayo
na parang hinehele ng paligid
at tulad nang dati
musika pa rin ang iyong tinig

may tanong lamang ako:
ito ba'y ganap nang dulo?
na ganap nang nagsara
ang mga pinto
at magbubukas ng pag-ibig
sa panibagong daigdig
o
mali ang pagkamuhi ko
sa kapalara't pagtatakda?

sagutin mo:
babalik ka ba?


Takyaran

Yakap ko siya
ang matalim niyang kabuuan
malamig
maligalig
ang tibok ng kaniyang dibdib
nagngingitngit
nagngangalit

kung sakali ma't
maghiwalay ang aming
ngayon
isa lamang ang aking ikahihinahon:

mapalaya niya
ang kaniyang silbing
magpalaya--
gilitan ng leeg
silang ganid at nagsasamantala.

Kung 'Di Mo Man Ramdam Ang Lukso Ng Dugo

Sa lagusan ng aking sidhi
sumulak
iyong uha.
At matitiyak ng aking palad at ugat,
sa pusok ng puson
naglandas
iyong inunan.
Sa salimuot ng aking bulbol
sumibol
bumbunan mong hinihintay ng dunong
at 'di ko itatakwil,
na mula bayag ko naglayag
patungong estasyong-hima
ng iyong Ina,
bata-batalyon, hukbong may iisang layon.

Habang tinititigan mo
putlain, lipas ko nang anyo, walang damdamin, walang lukso--
pinagigitnaan tayo ng pagkakamali't pagkukulang--
huwag mo sanang igiit na ako'y hindi mo Tatang,
na ang kasalukuyan mo'y walang kahapon.

Hanggang paruruonan
ititiyak kong ikaw ang aking kaganapan.

Nahimlay ako.
Ngunit 'di ako namatay.

Tulang Nalikha Sa Pagitan Ng Langit At Lupa

Iniwan ko Lobo, ingatan mo sana,
aking pusong mawawalay sa tinanging gunita.

Minsan lamang
sa laksang segundo
nitong nagsamanhid
na hininga
nakakilala ng tulad mo, Lobo.
Minsan lamang
hinaplos ng rikit,
ng payapang haplit
itong aking sariling
tinubog sa lusak ng hapdi.
Lobo, tinuruan mo
akong matutunang pakinggan ang katahimikan.
Tinuruan mo akong kilatisin ang kaibhan
ng langit sa lupa, ng lupa sa dagat, ng dagat sa langit.

Lobo, iniwan ko sa iyo,
isang tinatanging alaala.
Babalik ako,
kung itinadhana.

Di Mo Malilimutan Ang Kanilang Pagsisimula*

i.
akalain mong inabot pa
ng isang siglo
iyang pagkatas mo ng dugo

paglikha ng kung anu-anong produktong
ipinamumukhang kailangan
ng mamamayan

gayong bago ka umusbong
may gatas na ang ina
may tsokolate nang tableya
may kape nang barako
may asin na't paminta
na nilikha ng mariringal nilang mga kamay
na sila'y mabubuhay kahit ika'y mamatay

ii.
akalain mong inabot pa
ng isang siglo
iyang pagkatas mo ng dugo

pag-awas ng mga sagabal sa tubo
ang mga katulad ni Diosdado
"Ka Fort" Fortuna, isang lider-manggagawa

iii.
aakalain mo bang 'di na aabutin pa
ng isang siglo
ang iyong pagbangon?

bukas-makalawa
saklot ka na't kubkob ng unyon


*Alay sa Isang Siglong Taon pagdiriwang ng Nestle. At ayaw na naming madagdagan pa.

Miyerkules, Abril 20, 2011

Kuwento

kung paanong nag-aalaala
ang isang ina
sa anak na 'di yata makauuwi
dahil sa kung anong milagrong niyayari
aywan ko,
hindi ako makapagbibigay ng saloobin
       hindi ako itinakdang arugain ang daigdig

pero heto,
kung paanong lumuha't magdugo
ang puso ng isang binatilyo
nang malamang hindi siya gusto
ng sinusuyo
kung paano niyang binalak
tumungga ng lason
o maglaslas ng pulso
magwala, magbigti
o magbaril sa ulo
siguro, siguro
diyan lamang ako makapagkukuwento

'pagka't sa pagkakataong ito
na itinutumba natin
mga nasaid na bote ng mutso
dito sa liblib na saklot ng ingay at usok
ng himas, haplos, ligalig at pusok
                                        'di man ako sigurado
                                        sa iniluluwal nitong dilang lango
nararamdaman ko
                           may isang ina
na 'di mapagkatulog
sa pag-aalaala
sa isang binatilyo.

Santisima

Sakay ng dyip
isang matandang babaeng yakap
ang imahen
ni Santa Mariang Ina ng Diyos.
Pikit-matang nagdadasal.
Nakalingkis
sa kanyang kamao, isang puting rosaryo.

Pasakay sa dyip
isang dalagang estudyante.
Nagmamadali--
manapa'y mahuhuli
na sa klase.
Puting uniporme,
pagnanars ang karera
ng dalaga.

Naapakan ng dalaga
ang paa ng matanda
"Ay! Putangina!" bulalas ng matanda.
"Sorry po." tugon ng dalaga.
"Punyeta! Mag-ingat ka!" balik ng matanda.




Nakaabot sa kaniyang klase ang dalaga.
Naholdap sa Quiapo ang matanda.

Isa Pang Tula Ng Pangungulila

singlungkot ng ulan
nang ganap na lumisan ka
ang mga patak ng luhang lumandas
sa pisngi
na nilamog ng bagabag

nagkatotoo ang hula

maiiwan nga akong nag-iisa
kapiling lamang ay iyong mga gunita

magkikita pa ba tayo
kung mamarapatin ng mundo?

Memoriam

i.
Hindi ipinagluluksa
ng buong mundo
ang kamatayan ng isang karaniwang tao.

ii.
Ordinaryo lamang sa nakararami
ang kamatayan ng isang Sally
Ordinario-Villanueva--
literal na inagawan ng hininga,
umasa sa mailap na himala.

Walang pinagkasunduang kredo
ang nagligtas, wala kahit pagmamakaawa
ng pinakamatataas,
ang nagpahinto
sa mga naglason-na-minuto ni Ramon Credo.

Mas nagluluksa ang nakararami
sa kamatayan ng alamat
ng matandang Elizabeth Taylor
kaysa buhay
ng mas batang Elizabeth Batain--
Pilipinang uuwi sa sariling bansa,
nakasilid sa palotsinang kabaong.

iii.
Hindi nga iiyak ang buong mundo
sa kamatayan ng isang karaniwang tao.
Hindi tuloy matitiyak ng buong mundo
na karaniwang mga tao ang huhubog ng paraiso.

Martes, Abril 19, 2011

Da Rayt Tu Inbowk Selp Inkrimineysiyon

Sa telebisyon,

Sagot-lukot si Ginang Ligot.
Nakahukot-simangot ang mga senador
na naghahanap ng malinaw na sagot.

Utot na malungkot ang aking tugon.
Walang kuwentang panginorin ang nangyayaring imbestigasyon,

mainam pang mga hininga nila'y magkalagut-lagot.

Si Jan-jan

Napagtripan ni Willie ang batang si Jan-jan.

Umiiyak, paggiling-giling--
dahan-dahan na parang bulateng malapit nang paglahuan ng hininga,
dahil binudburan ng asin--
ang ibinanderang talento ng batang si Jan-jan.

Libu-libong pera ang ibinigay ni Willie sa batang si Jan-jan,
at libu-libong madla ang natuwa sa nakita,
at sandamakmak na patalastas ang nadagdag sa programa,
at walang nakaaalam na magiging mainit itong balita.

At tulad nga ng bulateng malapit nang mamatay,
si Jan-jan ay pinanawan ng kawalang-malay.

Hindi Sana Ako Aasa Sa Himala*

kung mayroon sanang matinong trabaho
kung mayroon sanang sapat na suweldo
kung mayroon sanang libreng pagkatuto
kung mayroon sanang gulugod ang gobyerno

kung mayroon sanang oportunidad maging tao

sa bansang nilalango ng ilusyong pagbabago
sa bansang nakahimod sa bayag ng mga kano
sa bansang ang gutom ay tradisyon at pribilehiyo

hindi sana ako aasa sa himala
hindi ko marahil nabitbit ang maleta
hindi sana ako nahulihan ng droga
hindi sana ako laman ng mga balita

hindi ako marahil mamamatay nang mas maaga
hindi sana ako aasa sa himala.


*kina Sally Ordinario, Ramon Credo at Elizabeth Batain, tatlong Pilipinong nakatakdang bitayin bukas, Marso 30, 2011, dahil sa pagpupuslit umano ng droga sa Tsina.

Hindi Pinapasan Ang Daigdig

Napakabigat ng daigdig upang ipasan sa balikat.
Ni si Atlas nga'y umuunat, umaarko ang gulugod
habang pasan ang langit, lupa't tubig.
Ikaw pa kayang umaalog ang tuhod
makakita lang ng uod?
O umuurong ang bayag
makakita lang ng bungong nabasag?

Napakabigat ng daigdig upang ipasan sa balikat.
May mga problemang hindi mo talaga matatabig,
'wag mo nang tangkaing ipasan ang lupa, langit, tubig.

Paghandaan mo na lamang ang ngayon,
pagnilayan ang kahapon.
E ano kung sinakluban ka ng malas?
Hindi ba't lahat nama'y lumilipas?

Hindi mo mapapasan ang daigdig.
Hindi sagot ang pagbaril sa ulo
at dugo'y idilig
sa walang muwang na semento.
Huwag mong pasanin ang daigdig.
Ang mabuhay ay sadyang maligalig.

Dyanitor

Abalang iniisis,kinakaskas
ng isang karaniwang dyanitor
ang mga natuyong dugo
sa isang bakanteng werhaws
sa isang nalimot
nang gusali
na nakakubli sa sukal ng kakahuyan.

Humahalo ang tagaktak niyang pawis
sa mapulang bula
at naghalong sabon at tubig.
Nakaka-isang oras na siyang nagiisis,
nagkakaskas ng natuyong dugo.
Hindi siya matapus-tapos
'pagka't habang abala siyang nagpapagal,
humahalo naman
sa patay na hangin ng imbakan
ang mga palahaw ng iyak,
mura, halakhak
at palakpak ng baril:
sa kanyang isipan nabubuo ang imaheng karahasan.

Isang daliring putol
at fatigue na sumbrero ang umantala
sa kanyang pagka-abala.

Oplan Odyssey Dawn

Interes ng halimaw:
Imperyong Amerika,
langis na nag-umapaw
sa disyerto ng Libya.

Sabado, Abril 16, 2011

Mahamog, Kung Minsan, Ang Gunita*

bago matapos
pagpailanlang ng hamog
bago tudlain ng araw
itong aking mga talukap
hayaan mong aking balikan
mga araw na nakahalik sa palad mo
itong aking palad at daliri na humihimok, ngayon
naghahalungkat ng gunita
sa baul ng ligalig at tuwa

kung di mo mamasamain
mamanmanan kita mula sa pagmumuni-muni
at paghuni ang pag-ugong
ng katahimikan
ngayong sumala-salabat
tibok at pagsubok
sa aking kabuuan
kung di mo rin mamasamain
naririnig ko
garalgal ng iyong hininga
kahit namamagitan ang milya at kawalan
alam kong minsan, pinapatay mo ang iyong sarili
sa ganitong tuldok ng araw
bago muling isilang kinaumagahan
at kung di mo pa mamasamain
nakapikit ka, alam ko
nakikita mo
iyong ikinalulungkot, ipinanlulumo
nakikita mo ang kaniyang ngiti
kaniyang di inaasahang pamamaalam
at tutulo ang luha
lalandas sa rosas mong pisngi

na papahirin ko

likod ng aking palad siyang sasalo sa mga luha
marahan,
nang di ka magising at maantala
'pagka't alam kong diyan lamang kayo
nagsasama't nagkikita

ganito kita inaalaala
bago matapos
pagpailanlang ng hamog
bago tudlain ng araw
itong aking mga talukap

hayaan mong aking balikan
mga araw na nakahalik sa palad mo
itong aking palad at daliri
at magkatabi tayong nakatitiyak
na iyon ang sandaling
walang makahihigit
kahit inilayo sa iyo
ang buhay at kaniyang bisig


Linggo, Abril 10, 2011

Eksena: Isang Sanaysay

I.

Ikuwento ko lang ha.

May malapit na kaibigan ang lumapit sa akin. Isang kaibigang naghahanap ng makakausap sa kaniyang pinagdadaanan sa kasalukuyan. At ano pa bang aasahan nating problema n'ya?

Pera? Hindi, stable ang tao at hindi rin maluho, hindi gipit at sa usaping tropa, maayos magluwal sa alak: saktuhan lang, kaya hindi nasisimutan.

Family problem? Hindi rin. Tanggap na niya ang itinakbo ng mahusay nilang pamilya. Isa na lang ang nag-aaral sa kanilang apat na magkakapatid. Pangatlo siya, bunso nila ang kasalukuyang nagsusunog ng kilay. Lahat silang magkakapatid, may matitinong trabaho. Bagama't sa lahat ng kaayusang ito, hiwalay na ang Nanay nila't Tatay. Pero okay na rin, malalaki na sila nang mangyari ang hiwalayan.

God? Hindi. Dating naglilingkod sa simbahan ang kaibigan kong ito. Palasimba rin, hindi tulad kong once a year lang yata kung makakita ng hostiya, sapilitan pa. 

So, hindi pera, hindi pamilya, hindi relihiyon. E ano? Pag-ibig? Babae? Pag-ibig at babae? 

Tama! Pag-ibig. No more, no less.

At babae, siyempre kasama 'yon, hindi naman kasi kasama sa pederasyon ang "nang-iipit" kong tropa.


II.

Ang eksena, ganito:

Galing siya, ang aking kaibigan, sa isang relasyong pinalabo ng pagkakataon. Sa mabilisang pagtataya, ilang buwan na rin siyang hiwalay sa kanyang Sintang Marilag na nahumaling sa ibang lalaki, na katrabaho nito. Iyak-tawa ang aking tropa. Magtatatlong taon silang nagsumpaan ng pagmamahal. Na walang sasabit sa puso ng ibang tao. Nagplano ng pamilya. Nangarap nang mataas. Pero, katulad ng lahat ng maliligayang sandali, Pak!, naglaho sa hangin ang tamis at kislap ng pagsuyo. 

Babae ang may kasalanan, sabi ng tropa ko sa akin. Babae ang nakipaghiwalay. Searching for greener pastures. It's not you, it's me, 'ika nga. Destiny prevails. (Pu********g destiny 'yan.)

So, the usual process, in denial muna sa umpisa. Hanggang maging anger. Hatred. Suicidal? Hindi naman. At sa lahat ng prosesong 'yan, alak, kuwentuhan at iyak ang naging panlaban niya. Flashforward, naging okay siya eventually. Pero siyempre, dala pa rin niya ang gunita at kirot sa nagdaang delubyo, kaya naging biruan na namin na abangan ang kaniyang madramang paglalahad ng kanilang masasayang sandali sa tuwinang magkaharap-harap kami't sinasapian ng alak. Ilalabas niya ang kaniyang pinakatatagong paraphernalias-nang-naglahong-pangarap: ang mga love letters ni Sintang Marilag sa kanya, ilang regalo nito sa kanya at kung anu-ano pa. 

Sa bawat ganitong eksena, makikinig kami. Kaming tatlo niyang tropa: si Loyalfaithful, si Robin at ako. May isa pa kaming tropa, na bihira naming nakakasama dahil abala ito sa kaniyang negosyong pagtitiktik-kalawang at pagsasaydlayn bilang barker. Makikinig lamang kami. Seryosong pakikinig. At kapag tapos na siya, saka kami babanat nang matindi. Iyong tipong uuwi kang pinatay ng kabag kakatawa. At malilimutan ng kaibigan kong ito, pansamantala,  na wala na pala siyang Sintang Marilag. Isa sa naging kabag-making event namin ang pagpi-fliptop ng freeverse, with participation ng kalapati at hamsters.

Flashforward.

Naging okay na siya sa lost love niya kahit papaano. Nasa proseso na siya ng ng moving-on. Unti-unti, nakakasulong siya. Taas-noo at nang may ngiti sa labi. Nahahawi na niya ang mga multo ng alaalang hirap niyang hawiin, bagama't minsan, parang regla ng babae, dinadalaw siya ng multo na 'yon. Natatakot siya. Iiiyak. O kung minsan, gagawa ng kung anu-ano na makapagpapa-alis sa multo. Halimbawang, pagha-hire ng Shaman: ako o ang tropa. O minsan, tatambay sa mall at tatambay sa mall o sa mall tatambay.

Nasa ganitong yugto na siya nang humirit ang pagkakataon. Isang dating kaklase ang muling nagbalik. Isang pagkakataong once in a crescent blue moon kung mangyari. Nag-metamorphosis itong dati naming kaklase, naghibernate rin. From a usual girl to very sensual-unsual-nakabubuwal na girl. Nagkakonekta silang muli gamit ang isang Social Networking site na papangalanan nating Fatebook.

At muling nag-spark ang mata ng kaibigan kong ito. 

Sa pagtakbo ng kuwento, nauwi sa isang get-together ng mga dating magkaka-klasmeyt at nagkalayong magkakaibigan ang eksena. Naroon si Unusual Girl, ang aming tropa at iba pang supporting casts. Dito mag-uumpisa ang Unusual na problema ng kaibigan kong heart-broken.

Sa get-together na iyon, siyempre may kuwentuhan, inuman, kainan at kung anu-ano pang tipikal na ginagawa sa isang tawagin na nating maliit na pagrereunion. Dito na dumiskarte ang tropa ko. Asikaso ang Unsual Girl na kalaunan, naging prospect niya. Na kalaunan ay nakapalagayan niya ng loob. Na kalaunan ay kahuhulugan niya ng loob. Na kalaunan ay "babasagan niya ng pangnguya".

Si Unusal Girl nga pala ay isang mabait at magandang babae. Matimyas ang boses na parang anghel. Nangungusap ang mga  mata. Matamis ang ngiti. Kaklase nga namin siya noong hayskul, at marami rin ang talagang nanligaw sa kanya. Pero ngayon, iba ang dating niya at talagang di ka mangingiming magdilat ng mata at mapatitig kapag nakikita mo siya. Kaya nga't nahulog ang kaibigan ko sa bangin ng babaeng ito. Na hindi niya alam ay magbibigay sa kaniya ng sakit ng ulo at damdamin.

Lumabas silang dalawa kinabukasan matapos ang maliit na gathering, nagkayayaan silang lumabas. Manood ng sine. Kumain. Sa pagkakataong ito, nakalimutan na ng kaibigan ko ang kaniyang Sintang Marilag, at nahulog na nga kay UG. At sa mapaglarong sandali, akalain mong may naging malinaw silang usapan na magtulungan sa proseso ng pagbabalik-puso o ang Oplan-Return.

Si UG ay tutulungan ang kaibigan ko na pabalikin ang kaniyang Sintang Marilag. Magiging magkarelasyon sila. Hindi alam ng ibang tao. Magpapanggap na magkasintahan. Hihintayin ang response ni Sintang Marilag. Sa gamitong paraan daw, sang-ayon kay Unusual Girl, babalik ang Sintang Marilag ng aking kaibigan.

Nguni't sa naging takbo ng kuwento, nakakalimutan na ng kaibigan ko si SM at kay UG na siya nahuhulog. Ito na ang kaniyang delubyo.

Magulo palang kausap itong si UG. Biglang back-out sa Oplan-Return na pinagplanuhan nila. Na kesyo gagamitin lang daw niya ang kaibigan ko. Na baka masaktan lang ang kaibigan ko sa huli. Na huwag mahuhulog ang kaibigan ko sa kaniya. Na hindi siya ang nararapat sa kaibigan ko at maghanap na lang siya ng iba. Na magiging panakip butas lang daw siya. Na they are made to be BFF. Na...

Naaaa Na Na Nanananaaaa Nanananaaaa, Hey Jude! 

E itong kaibigan ko'y kinubabawan ng Divine Intervention, na mahulog ka'y Unusual Girl. Na si Sintang Marilag ay hahayaan na niya. Na handa na siya sa panibagong hamon. Na bukas na ang kanyang puso sa muling pagtibok. Na si UG ay kanya nang kinahuhulugan at kababagsakan. Na handa na siyang magluwal ng panahon upang mahalin nito. Na kesyo umpisa na ito ng bagong buhay, 'ika niya. Na wala nang urungan. Na si Sintang Marilag ay di na babalik. Na...

Naaaa Na Na Nanananaaaa Nanananaaaa, Hey Jude! 

Ang gulo, sabi nga ni Robin. At sabi naman ni Loyalfaithful, sulutero daw ang kaibigan kong ito na namumoroblema dahil nga raw e "crush" ko rin si Unusual Girl, na dapat ay ako nga raw ang marapat dumiskarte sa kaniya. Iba rin talaga mag-isipang kabigan kong si Loyalfaithful. Si Robin naman, forecaster. Isang pambihirang forecaster. Na... 

Naaaa Na Na Nanananaaaa Nanananaaaa, Hey Jude! 


III.

Oo, sige "crush" ko nga si UG, pero 'yun lang 'yon. At sa naging takbo ng kuwento, ayaw ko nang gumalaw mula doon. Bahala na si kaibigan kong problemado. Basta kami, suportado siya. Tutulungan. Aalalayan. Hindi iiwanan. Dahil makikinabang din kami: halimbawang magkatuluyan sa isang wagas na relasyon si Unusual Girl at ang kaibigan kong problemado, aba, engrandeng inuman yan at kung tumimbuwang ang kanilang on-going process at bumagsak sa kawalan, aba, engrandeng inuman din 'yan. O di ba? 

Pero, wagas talaga kaming magkakasundo na suportahan ang laban ng aming kaibigang problemado. Promise. (Promises are made to be broken.)


IV.

Napakagulo ng pag-ibig. Hindi siya basta-basta. Nakamamatay. Nakababaliw. Kaya nga't di totoo ang komersyal ng Nestle sa pagdiriwang nila ng kanilang ika-sandaang anibersaryo bilang taga-bandera ng Good Food, Good Life slogan. Walang ganoon. Isang perfect love? Buwisit 'yan, pinaglololoko ang mamamayan.

Anyway, ang kaibigan ko palang problemado ay hindi mapagkatulog ngayon. Naguguluhan. Naguguluhan nang napakagulo. Pag-big? Sweet and bitter put them together and that's what you call, Pag-ibig.


V.

At isa pa pala, sinabi ni Unusual Girl na ang kaibigan kong problemado ang kaniyang "ideal guy".

Magulo di ba? 

Ikuwento ko na lang ha.