alam mo po, gusto la'ng
naman po kasi kitang i-
tag
gusto ko po kasing mabasa mo
ang bago kong gawa/likha/lalang/hinarayang
tula
gusto kong malaman mo po ang laman ng isip ko at kung
paano kong gustong iparating sa iyo/sa inyo/at sa kanila
ang gusto kong iparating wala po akong workshop
wala po ako sa creative writing program
gusto ko la'ng po talagang
tumula
mahilig po kasi akong tumula
at mahirap kasing maglathala ng aklat
kapag wala kang pera di ba? di ba? di ba po? kung hindi bahaw na kuwela
o nanggigitata sa pag-ibig o tungkol sa white lady/tikbalang/tiyanak/duwende atbp.
o 1001 Ways to be This-and-that atbp.
wala ka
o kung wala kang spark o kung anumang tinatawag nilang dahilan
hindi ka papansinin
ng Anvil/Visprint/Girraffe/Milflores/UP.ADMU.DLSU.UST Press atbp.
pwede kang ilathala ng Psicom/PHR pero hindi ka babasahin
hindi ka seseryosohin ng mga nabanggit di ba po?
ng akademya
hay naku! ang akademya po, naku po, ang akademya!
pero po
di naman lingid sa iyo di ba? di ba? di ba po?
na naninilaw na ang mga filipiniana sa NBS
maalikabok pa nga
maliban sa salansan nina Bob Ong at Eros Atalia
nakita mo po? wala pa ring bumibili ng aklat
ni Ildefonso Santos (Sa Tabi ng Dagat at iba pang tula)
pati iyong Ibong Mandaragit ni Ka Amado po
iyon ding Ginto ang Kayumangging Lupa ni Doming Mirasol
at isama mo na po iyong kay Rogelio Sikat, Dugo sa Bukang Liwayway
at ang maramingmaramingmaramingmaramingmaramingmaraming
marami pang filipiniana
na kahit sale na, wala pa ring gustong bumili? bakit?
kaya nga ita-tag na la'ng po kita
at dito na la'ng po ako sa Facebook
(dito may pisoNet sa'min)
tutula
pakibasa naman po, o kahit hapyawan mo na la'ng (please?)
kunwari ila-
like mo like mo like mo like mo like mo like mo po
pampataas ng kompidens ko
(baka po may comments ka, meron po ba?)
basta, ang like po ha?
iyong madami ha?
share mo na rin gusto ko kasing mabasa
idol kasi kita. :)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento