Linggo, Disyembre 4, 2011

Huwag Kang Matutulog Sa Pansitan Ng Talinghaga

nagdurugo ang mga tubo sa dibdib
ng Luisita, umiiyak, may hibik
ang hininga ng mga sakada
at kung saka-sakaling nakalilimot ka
at tulalang nakatitig sa pagpatak ng ulan,
huwag mo nang hintaying mabasag
ang tadyang ng ulap at magsilang
ng silahis, huwag mo nang tulaan
ang buhay o ang ulan o ang buhay at ulan
higit sa anupaman, punglo ang tula
hinding-hindi nito masasagot ang iyong pag-iral
magtatanong at magtatanong at magtatanong ka
lamang, walang kasagutan na bubukal sa mga estropa
sa linya, sa metapora, sa pagsasatao
wala maliban sa tuod na mga letrang nakangiti
sa iyo, at lunatikong bibilugin ang iyong ulo
kung alam mong mitsa ang tula
oo, punglo, dinamita, molotov, gulok, maso
makikilala mo ang buhay, malalaman mo ang sikreto
ng paghinga, matatanto mong may pag-uulat ang tula
hindi ito pahina ng milagro at ilusyon o ng mahika at hula
kung tao kang batid ang tinutungo
alam mo ang pagdurugo ng mga tubo
sa dibdib ng Luisita, hindi ka mapagtutulog
pagkat gigisingin mo, sampu ng iyong mga tula
ang nalilibugan, ilusyunadong mundo ng mga nagtatanikala.

Maitatago Sa Kasiningan Ang Kawalang-katuturan

kung ngingiti ang tinig
makikita ko ang akit
ng matikas na sakit
ng ginusot na gusto
malapit ang pilat
sa ganting di matinag

kung nasasaan ang nasa
nag-uulat ang tula
nagdudumilat ang dalit
hinuhulaang lumuha
ang bigting tigib
sa anas ng sana

kung mapalad ang malapad
na pakpak na kinapkap
sa ngiting walang tinig
ubos ang subo ng bagsik
bibigkas tayo sa kawalan
lawak sa kipot ng pagpikot
sa oral na laro
ng salitang tinulis
sa sulit ng kipit
na pagpikit.

Martes, Nobyembre 22, 2011

Pantay

magugulat ang lahat
ihahayag sa lansangan
ang lahat ng ayaw nating marinig

ilalatag sa daan ang mga bangkay
ng mga inagawan ng hininga
mula't sapul ng kasaysayan ng protesta

mapupuno ang lansangan ng mga paa
ng mga kamaong tumutuldok sa hangin
umaawit ang paligid, makapanindig

kasama ka sa lahat ng ito
hindi ka kailanman makahihindi, makalyo
ang iyong palad at talampakan

iisa ang mga ugat natin, kung magbukal
na ang daluyong ng himagsik, kawit-bisig
tayo sa pananalig, iisa ang ating hininga

lilikha tayo sa dilim
ng umaga.

Realisasyon*

na parang wala tayong
nakaraan,
na tila hindi tayo nagtago
sa dilim at inusal
ang pagmamahal,
nang kaninang magkasalubong
tayo at ilahad mo
ang iyong kamay,
parang kampay
sa hangin,
sumesenyas
ng pagtigil
at paglayo...

na tila ako nalulunod
sa sariling hiya at dismaya,
anumang oras,
lilipad sa kawalan
ang aking hininga
nang kaninang tila ihip
lamang akong dumaan
sa iyong harapan
at ni ganting-ngiti
ay walang bakas, pagkakait...

na, oo, kamalian ang hindi
pagtalima
sa pinagkasunduang tratado
ng bukal na pagsuyo;
dagok ang mga damdaming likha
ng hindi paghindi,
ng aninong likha ng sarili
at alinsunod sa dugong dumadaloy
sa iyong ugat:
ako ang mukha
ng dismaya at di-pagkakasundo,
na sa kamalas-malasan
ay magbunga
ng paglalayong-mundo, distansya
ng mga patlang at puwang...

na sa huli'y aral ang pag-iral,
ang paghindi sa mga kahindi-hindi...

katam na huhubog sa pagkatao
nitong ginoong sa iyo
ay maglalaan, sa habang panahon,
ng buhay
at
pagsuyo.

*kay G.

Pagbabawal*

Sinabi niya ang hindi nararapat:
“Iwaksi ang pangungulila sa aking piling
At manatili sa kung ano ang lapat
Ng mundo.” “Huwag, huwag munang ibuhos
Ang iyong oras at sarili,” sambit niyang tila
Nagtitiyak ng pagpipigil sa agos ng luha.

May takda ang panahon, at kung papalarin,
Ang ngayon ay tumutugon sa bukas, na
Maglalakad tayong nakangiti sa alpombrang
Tumutuloy sa pag-iisa ng ating kaluluwa.

Sinasabi niya ang mga nararapat, at humihiling
Na sana, kahit sandali, pakinggan mo.
Iyon ang kaniyang naisin. Hindi ka niya ililigaw.

Hindi ba’t binanggit
Mo na siya ang maggigiya ng sagwan
At tatalimain ang kaniyang mga pahayag.
Oo, tiyak ang iyong pagtitiwala,
Wala mang sumpaan, Dinadala niya
Ang iyong pangarap sa kaganapan.

Kung minsan,
Pagbabawal din
Ang pagmamahal.

*kay G.

Hangin*

Nasa tabi mo ako ngayon,
hindi ako mahihimbing.
Babantayan lamang kita,
at titiyaking walang lamok
ang makadidikit
sa iyong balat.
Sisiguraduhin kong maayos
ang pagkakalapat
ng malamig na bimpo
sa iyong noo.
Aayusin ko
ang pagkakagusot
ng nakayakap sa iyong kumot.
Aabangan ko
ang oras ng pag-inom mo ng gamot,
ako
ang aalalay sa iyong likod
habang nilalagok ang maligamgam
na tubig.
Titigigan ko ang iyong labi,
hahanapin ang bakas
ng hiningang iniluluwal nito.
Pakikinggan ko
ang ritmo ng iyong puso.
Maya’t maya kitang dadampian
ng aking palad, aalamin
lagay ng init ng iyong katawan.
At kung maaari,
pahintulutan mo sana
ang panakaw kong mga halik
sa iyong pisngi
at ang paminsan-minsan kong yakap,
makagagamot din marahil
ang mga ito.
At kung matitiyak ko
na mas mabuti na ang iyong lagay
at pakiramdam, huwag kang mabibigla
kung hindi pa ako mapapalagay.
Ang layon ko’y lusawin
ang lahat mong hinaing at sakit,
kung maaari, nakawin sa iyo
ang lahat ng pasakit.
Kumukurot sa aking dibdib
ganyang tipo mo ng pagpikit,
ang mala-pagal
na pag-uwang ng iyong labi,
ang bagsak ng iyong katawan
sa higaan, ang lukob ng kumot
sa iyong kabuuan. Sinta, malayo man
ang pagitan
ng ating mga naisin, ganap pa rin
kitang kakalingain.
Nariyan ako sa iyong tabi,
hindi man bilang
ako
kundi
bilang isang hangin.

*kay G.

Wala Ka Sa Pangungulila*

Hinahanap kita sa ihip ng hangin,
baka sakaling iyon ang iyong mga kamay
na humahaplos sa akin.
Hinahanap kita sa tubig,
baka sakaling iyon ang iyong labi
na humahalik sa aking pananalig.
Hinahanap kita sa apoy,
baka sakaling ang sayaw nito
ang ngiti mong hindi naluluoy.
Hinahanap kita sa lupa,
baka sakaling ito ang dibdib mong
nagtatago ng iyong puso’t pagsinta.

Hinahanap kita sa lahat ng pagkakataon,
sa lahat ng panahon
at destinasyon.

Hindi kita mahahanap sa pangungulila,
karayom lamang itong tutusok
sa aking gunita.
Kaya’t hinahanap kita
maging sa linya ng mga tula,
At nakita kita,
oo, natagpuan,
nakangiti
bilang aking buhay,
musa at
tala.

*kay G.

Danas Ng Burgis Minsang Manakawan Ng Ulirat

Matatawa ka kung ilalahad ko pa ang mga nangyari.
Wala nang dapat pang alalahanin, nailibing na sa kahapon
Ang gusto mong alamin. Kahiya-hiya. Walang duda.
Naramdaman mo na marahil ang manakawan ng ulirat,
Taksil na kukunin sa iyo nang di namamalayan. Kahanga-
Hangang milagro ng babasaging baso, talagang magaling
Manghalina ang pait at tsiko. Ay! Kaypalad ko. Oo!
At kung nais mong alamin, sasabihin ko sa iyong sa bangketa
Ako nain-in. Ang gabi, walang iniwang bakas; inabutan
Ng umaga, sa bangketang ilan taon ko ring nilandas.
Nagmimilagro rin talaga ang mundo, kung hindi, maniniwala
Ka ba, na maaring naglalamay ang aking pamilya, ngayon,
Pagkat pisak nang aking bungo dahil sa sagasa ng gulong.
O marahil, baldado akong nahihimlay sa malamig na banig
Ng ospital. O mas nakahihindik, napagtripan ako ng mabangis
Na lungsod, ginutay-gutay ang yayat kong katawan at isinakay
Sa dibdib ng ilog. Ilang araw pa bago ako matatagpuan.
Wala, wala nang dapat pang alalahanin, nailibing na sa kahapon
Ang gusto mong alamin. Wala naman akong dapat pang isalaysay.
Wala namang saysay ang ilalantad ng aking dila. Hindi ito kuwento
ng bayaning iniligtas ng mundo. Pahayag ito ng isang gago,
na niyabangan ang sarili at magsisisi sa dulo.

Gugu*

walang dapat ipagsumpa
o pangakong dapat ilahad

tiyak ako sa dikta nitong palad
ikaw ang gatlang-nagtatakda
ng katuparan ng mga pangarap
ikaw at ikaw ang hinaharap

walang dapat ipagsumpa
o pangakong dapat ilahad

tiyak ako sa ating paglipad
ikaw ang pakpak ng gunita
ng kaganapan ng mga adhika
ikaw at ikaw ang magdidikta

walang dapat ipagsumpa
tiyak ako sa ating pagsinta.

*kay G.

Menos Diyes Para Alas Tres, Sa Gitna Ng Lungsod*

nagtatalik ang pawis sa mga dibdib
nating pinagod ng pusok, liblib
ang sulok ng ating mundo sa maingay
na takbo ng sibilisasyon.

panatag tayo sa isa't isa, marahan tayong
lumilikha ng ating patutunguhan.
nagtatalik ang pawis sa mga dibdib,
pinakakalma tayo ng mga luhang hinugot
sa pananalig ng ating mga damdamin:
ikaw at ako, sa anumang ligalig at mga pagtatangka
ay may katiyakang tinatahak.
matapat tayong nakayakap
sa kabuuan ng ating mga kaluluwa,
kayhigpit
ngunit walang punit na gunitang iiwan
ang dalawang oras nating mundo.

bagkus
itinatanim natin sa lupa ng bukas
ang isang maalwan na ngiting
handog sa isa't isa,
na gigising tayo,
balat sa balat

sa laksang umaga
na ating pagsasaluhan
sa hinaharap.

*kay G.

Krusyal*

kapit-kamay,
titiyakin natin
na ang katuparan
ng mga naisin
ay magaganap
sa takda ng ating
mga damdamin

sa ngayon,
hayaan muna nating
humalik
ang langit

saka na,
kung naroon na tayo
sa kaganapan
ng mga pangarap
kung naroroon na tayo
sa pag-iisa,

doon
natin
pagniniigin
ang sukdol
ng mga damdamin.

*kay G

Nobyembre

malagim
ang mawalan ng ulam
at maubusan ng tubig
kung uhaw na't mabibilaukan
napakalagim
maglakad habang
nilalandi ng tirik na araw
ang iyong batok at anit
sobrang lagim
ang umiyak dahil iniwan ka
sa ere ng iyong kaibigan
at oo, malagim ang matinik
sa lalamunan
walang kasing lagim
ang hindi mabahing
kung iyan na nga't mababahing
o ang kati na di makamot
ay! nakayayamot

marami
dose-dosena, laksa ang lagim
sa paligid

ngunit kung alam mong
malalagim ang mga nabanggit
hindi ka ba mangungulit
kung aking sasabihin

na pinakamalagim
sa pinakamalalagim
ang manahimik

at mawalan ng pakialam

habang dumadanak
ang mga dugo
sa mga asyenda't
tubuhan

paulit-ulit
tuwing nobyembre?

Paumanhin*

paumanhin, kung hindi ka niya maalayan ng tula
ngayong nag-aagaw ang buhay ng dilim
at umaga. paumanhin, pagkat natutuod na
naman ang taludturan ng abang ginoo
na di patulugin ng mga larawan mong
nakapagkit sa dingding ng kaniyang isipan.
paumahin, ngunit wala siyang tinig na maiusal
kundi himig lamang ng kaniyang pagmamahal
at pagtatangi sa mga alaalang nilikha
at lilikhain pa lamang ng inyong mga puso.
paumanhin, kung ang nais niya'y bumuo
ng matatayog na bukas ukol sa inyong pagsinta.
paumanhin, at nais niyang pumitas ng bulaklak,
ng petalya na iaalay niya sa iyong mga palad.
paumanhin, sa maliligoy na mga salita, sa malalabay
na pagpapaunawa na ito siya at handang manatili
sa haba ng panahon at tagal ng mga sandali.
paumanhin, pagkat ang lahat ng bagay ukol sa
paghinga ay nilagom niya sa iisang musa.
paumanhin, ikaw ang musang kaniyang itinakda.
paumanhin, pagkat tiyak ang lahat sang-ayon
sa kaniyang kumpas. paumanhin, ikaw ang ngayon
at bukas ng kaniyang kaganapan.
paumanhin nang buong katapatan, hindi ka maalayan
ng isang taludturang sintimyas ng kundiman.
pagkat ngayong naglalaro ang dilim at umaga
walang tulang makatutumbas sa iyong pagsuyo
lalo pa't binanggit mong "mahal kita nang buong puso
at pagkatao!"

Muamar

mapusyaw ang imaheng inilalantad
ng mga larawang inihahasik
sa mga diyaryo, telebisyon at balitaktakan
sandaigdigang pagmamanipula
sa dapat kainin ng isip at mata

malamig ang isinisingaw ng disyerto ng Libya
patay! patay na ang nagsaboy ng langis
sa bunganga ng mga mamamayan ng Libya
patay! patay na ang libreng pabahay,
ang libreng edukasyon, ang libreng koryente
ang libreng pagpapagamot
buhay! buhay nang muli ang bangungot!
bumabangon sa hukay ang salimuot
ng mga bukas
na ang langis ay sawsawan ng dangal
at pagkadakila ng mapagmahal
na bayan ng gatas at pulot

patay na ang naghangad ng katiwasayan
sa maligasgas na buhanginan
ng Libya
kalkuladong kinitil ng limampu at isang bituin
na binubuhay ng pagsupil
sa mga bayang kanilang masisiil.

Okupa

kubkubin ang lungsod
atin ang dapat ay atin
gumagana ang mga paa
landasin lansangan
ng mga protesta
walang kapagalan
kung hangad ay katarungan
laban sa sistemang
nagligaw sa atin
sa dapat ay atin
at kung mamarapatin
ng dakila nating hangarin
bukas-makalawa
atin na ang kalunsuran
patag na'ng kabundukan
at ganap na'ng kasarinlan,
ipagpupugay pagkakapantay-
pantay
ng masang sambayanan.

Natatangi*

natatangi ang lahat ng bagay na umiinog sa iyo
at sa pagitan natin.

nauunawaan tayo ng ulan. kung paanong dapat magdikit
ang ating mga katawan sa tuwinang iiyak ang langit,
alam ng ating mga pulso. tintiyak ng puso ang mga hangarin.

naikuwento ko sa iyo, na sa tuwinang nagtatagpo tayo
sa siping ng bawat isa at ika'y panatag na nahihimbing,
naikuwento ko sa iyo, na pinagmamasdan kita,
ang iyong paghinga, ang ritmo sa iyong tiyan
at mahinang awit ng iyong pananaginip. ang mga gatla
sa iyong natural na labi, ang uwang ng pagod, ang kislap
ng iyong ngipin na hinalikan ng lamparang lumagom
sa silid. ang lugay ng iyong buhok, pilik sa iyong mga mata
na nais kong bilangin. ang iyong noo, ang talukap na nagtatago
ng iyong balintataw. ang pisngi mong dinadampian ko
ng halik. mula ulo hanggang nunal sa iyong talampakan,
kinakabisa nitong ginoong sa iyo'y dumadakila.

pagkat, natatangi ang lahat ng bagay na umiinog sa iyo.
pinagmamasdan kita sa pinakapayak mong anyo,
hayaan mong manatili ang ganito, at kung mamarapatin mo,
sinta, natatangi ang bukas na ilalaan ko sa iyo.

*kay G.

Linggo, Oktubre 23, 2011

Kay Yueyue At Sa Aleng Tumulong Sa Kaniya

kung napagkamalan kang basura
ng labingwalong taong abala
sa kani-kanilang buhay

may dahilan sila para manindigan
na wala silang ipanagpabaya
sibilisado ang magturing
na basura ang basura, tuldok

pero alam ng aleng binubuhay ng pagpag
at pala-palapag ng mga basura
ang kaibhan ng hininga at karton

hindi siya abala,
kaniya ang mundo
ng panis at galis, ng sulasok
barbarismo ang pangangalkal
ng ginto sa lungsod

may dahilan siya upang ituring kang tao
kayamanan sa siwang ng pagiging sibilisado

Yueyue, kilala ng mundo
ang ililigtas nito

hindi ka biktima,
ika'y mata
ng pagsasala.

Lunes, Oktubre 17, 2011

Bigla*

Nabibigla ka sa bilis ng mga pangyayari,
Na umabot tayo sa sukdol ng mga damdamin:
Ang pisngi mo sa aking bisig
At ang labi ko sa iyong noo.
Nabibigla ka, Gyet, sa kabiglaan ng lahat.
Walang plano, walang pagtitiyak.
Nabigla rin ako, ngunit hindi ako nagtaka.
Kung tatanungin mo ako,
Matagal na kitang hinahanap
Sukat sa matutunan kong makilala
Ang mga letra sa pagitan ng dibdib at puso.
Oo, winasak tayo ng mga nakaraan.
Nagitla sa hain ng lumipas.
Ikaw, ilang paalam na ba ang dumaan sa iyong mata?
Ako, anong tangis ang hindi pa naiguguhit ng buhay?
Walang piging na ibibigay sa atin ang bukas
Bagamat alam ko, at alam mo, na itong sandaling ito
Na nakakuyom ang palad mo
Sa palad ko. At hinahaplos ko ang iyong buhok.
Habang sapo ko ang iyong batok,
Habang taimtim kang nakatitig sa aking balintataw,
Nakasisiguro ako sa baul ng aking pahayag:
“May matutungo tayo, Gyet. Hindi hahadlang ang
Paniniwala, ang nakaraan, ang bukas.”
Atin ang ngayon. Atin ang lahat mula ngayon, Gyet.
Biglaan man ang lahat, tiyak tayo sa destinasyon
Gaano man kalupit ang mga pagkakataon.

*kay G.

Hindi Sinasabi Ng Pag-ibig*

Na gutom siya, at butas na ang kaniyang sikmura.
Hindi siya kailanman magsasalita tungkol sa lungkot
O sa bagyong lumulukob sa kaniyang katawan.
Magdadalawangmilyong-isip siya bago magbigkas ng “Paalam.”
Hindi siya maguguluhan sa pagsasambit ng “Mahal kita.”
Tahimik lamang siya kung matatanaw ka, simpleng ngingiti
At hindi niya ipahahalatang sumasayaw na siya
Kung ikaw ay mag-uusal ng awit mong mga salita.
Madalas, kung gabi, iisipin niya ang iyong labi.
Paano nga ba niya maipapahayag na ika’y hinahanap
Ng kamaong naglalagi sa kaniyang baga?
Paano siya maglalakas-loob na tumitig sa iyo?
Paano siya maghahayag ng tula?
Hindi niya sasabihing masaya siya sa mga sandaling
Natatangi ang iyong larawan sa kaniyang isipan.
Mahihiya siyang hawakan ang iyong kamay,
Dungo siyang magpapakatanga, kahit itulak mo ang iyong
Sarili sa kaniyang katauhan
Ganyan siya. Mula't mula.
Pero, kung magsimula siyang magtakda
Na ikaw ang hele sa kaniyang mga gabi
At ang puwang sa inyong mga daliri ay tugma
Ng mga tulang kinakatha ng kaniyang kaluluwa.
Kung ganap nang nahulog ang kaniyang hininga
Sa iyong piling,
Hindi mauubusang batis ng pagmamahal
Ang sa kanya’y bubukal. Walang hanggang pagtitig,
Walang limitasyong haplos at halik. Isang
Natatanging pagtatangi, laan sa iyo
Ang handog ng kaniyang puso.
Ikaw nang bahala sa kaniyang daigdig,
Ikaw ang langit at lupa,
Mga araw at gabi, ang kulisap at alitaptap,
hangin at ulan.
Ikaw ang daigdig na kaniyang iikutan.
Hindi sinasabi ng kaniyang Pag-ibig ang
Katapusan ng kaniyang pagtatangi
Sa iyo pagkat iyo’y kamatayan ng kaniyang pagkatao.
Hayaan mong alagaan niya ang iyong daigdig
At mabubuhay siyang ikaw lamang ang pananalig.


*kay G.

Katuturan*

oo, kahit ang pinakamatatatag
na punongkahoy ay inaagawan
ng sanga, ng mga dahon.
batas ng kalikasan ang kumitil
at hindi ito mapipigil ng anuman
kahit ng dakilang larangan
ng agham at katalinuhan.

namamatay ang mga bayani
sa maraming dahilan.
maaring nadulas habang naglalakad
sa lansangan, nabagok.
maaaring habang umaawit,
isang punglo ang naligaw
sa kaniyang kaliwang mata, sabog
ang bungo. maaari ring habang lulan
ng dyip, isang kaskaserong drayber
ang nagtrip na lumanding sa pader,
at isa ang bayani sa tiyak na mapuputol
ang dakilang hininga.
hinding-hindi natin mapipigil ang kamatayan.
maaaring kitlin ng malaria ang bayani,
maaring sa cholera o sa isang epidemya.
maaring habang natutulog. maaaring
magtaksil ang puso. maaaring huminto
ang pulso.

tinatablan ng batas ng kalikasan
ang mga bayani
ngunit kaiba sa bayaning lantad ang panloob
wala silang kakaibang kapangyarihan.
payak ang lahat ng bagay ukol sa kanila.
kabisado ang mga huni ng ibon. alam
ang kaibhan ng langit sa mga umaga
at langit sa mga gabi. marunong magsaing
sa kawayan. matatag ang paa sa lakaran.
mahigpit ang hawak sa takyaran. marunong
gumapas ng talahib. sanay ang paa sa putikan.
gamay ang parang at kagubatan. payak
ang kanilang lakas. tao at tao lamang din sila.

sila ang sanga ng matatag na punongkahoy
na lumilikha ng hangin laan sa lahat ng humihingang
nilalang. tinatablan sila ng kamatayan at, oo,
nauubos din ang kanilang hininga
ngunit alam nila ang pinagsisilbihan
ng kanilang katuturan
sa sanlibutan.


*kay K.R.

Nuwebeonse

umaga, nang halikan ng American Airlines Flight 11
at American Airlines Flight 11
ang WTC sa New York

malagim, at sa tindi ng lagim ay umiyak
maging ang mga kulisap sa liblib ng Afghanistan

nag-aabang ang impiyernong ihahapag sa kanilang lupain
ihahapag ng kapita-pitagang propagandista ng
demokrasya, ang dakilang bayan
ng Estados Unidos ng Amerika, U.S.A

2, 996 ang hiningang pinutol ng sementong
bumubulusok, nakatudla sa kanilang dibdib
2, 996 ang hiningang sinaklot ng alikabok
at apoy at puwersang hatid ng nauupos na mga gusali

malagim, malagim at madilim

War on Terror, isang krusadang tutugis sa balbas
ni Bin Laden ang naging iglap na sagot ng dakilang bayan
ng Estados Unidos ng Amerika, U.S.A

malagim
madilim
sa Afghanistan
nang gumuhit sa langit ang missiles
at dumagundong ang martsa ng puwersang militar
ng dakilang bayan ng demokrasya at kagalingan

hindi kalkulado ang namatay, pinatay at namamatay
sa lupain ng buhangin at langis
libu-libo ang pagtatangis

kailan lamang natugis si Bin Laden
walang nakaalam, nakaaalam
sa bilang ng biktima
sa lupa ng buhangin at langis

at dakila pa rin
ang dakilang bayan
ang tagapamandila ng demokrasya
ang bayan ng Estados Unidos
Amerika.

Reb

may mali sa lima kung anim
ang bibig at isa ang gutom

may tama sa mata kung tangan
nito'y katumpakan at hindi kapusyawan

may bagsik sa bigkas kung tumbas
sa sumbat ay angat ng balikat

may talas sa salat kung kuta
ng utak ay rebolusyon sa sugat

may tapang sa pangat kung alay
nito'y paglulunsad-digma

sa hirap at pasakit
ng bayang ito ng aking pangarap.

Galak

isa-isang nahulog
ang mga bubog
sa iyong mata

natubog ang aking mundo
sa kinang ng iyong kaluluwa

nakahinang ako
mapalad
na ikaw
ang ginto
ng bawat kong
umaga.

Liwayway

inawitan natin ang gabi
oo, maging ang umaga
ay nagalak sa ating pananatili
binantayan natin ang pagsibol
ng mga hamog
malamig, ngunit hindi tayo
nanlamig

mapalad tayo pagkat kilala
natin ang gabi at umaga
mapalad tayo at kinalinga tayo
ng kanilang buwan
at araw

silang dalawa ay hindi dalawa
iisa sa pananatili
na walang umaga kung walang gabi
na walang gabi kung walang umaga

alam kong ganito tayo, naniniwala ako
na wala ang isa kung wala ang isa
na wala ako kung wala ka
wala na ako
kung mawala ka.

Huwag Kang Mawawala

huwag kang mawawala
kung ang kahulugan nito
ay ang paglayo
kung ito'y hudyat
na maglalaho
ang iyong mga titig
ang iyong mga ngiti
ang iyong mga daliring
nakakuyom sa aking mga kamay
ang iyong bisig na kumakapit
sa aking kaluluwa

kung ang kahulugan
ng iyong paglayo
ay kawalan
na hudyat ng katapusan:
huwag ka sanang mawawala

hindi ko maititindig ang ako
kawalan ng hangin ang bawat
pagmugto ng aking
mga matang hinalina
ng iyong puso

kung ang iyong paglayo
ay katapusan ng lahat
pananatilihin kita
hindi bilang akin lamang
ng aking sarili
pananatilihin kita
bilang bahagi ng mundo
na ginagalawan natin

ikaw at ako

huwag kang mawawala
hindi ka mawawala.

Gimmepayb sa Pinoy Weekly

ito ang link para mabasa ang "Gimmepayb"

Martes, Oktubre 11, 2011

Saklap

sukat nang haplusin mo ang mga gatla
sa aking palad, at itanikala sa iyong baywang
ang braso ko't katawan; itinakda mo
ang aking destinasyon.

manipis ang pagitan ng buhay at kamatayan,
malawak na patlang ang daan sa kaligayahan.

Pinaliligaya Ako Ng Mumunting Mga Bagay

pinaliligaya ako
ng maliliit, mumunting
mga bagay.
ang halik sa kamay,
ang hanging nagkulob
sa pagitan ng magkatipang
mga palad.
ang langgam na naligaw
sa kutsara
ng iyong sinisinta
habang
nag-uusap ang inyong
mga mata.
ang labing dinampian ng hamog.
ang dahon sa ilog na di
malubog.
ang tila balsang pusod
na inaaliw ng marahang alon
ng tiyan ng iyong sintang payapang
nahihimbing
ang kislap ng bubog
ng nabasag na salamin,
kumikirot sa isip
naghahatid ng patalim.
ang munting pasang dulot
ng kurot
ng iyong sintang
naglalambing.
ang tasa ng kapeng itinimpla
ng iyong sinta.
ang halik sa noo,
sinserong dumadakila
sa tapat na pagsuyo.
pinaliligaya ako ng mumunti,
maliliit na bagay.
mga payak na galak
nitong mumunti kong
                               buhay.

Lunes, Setyembre 19, 2011

Ang Hindi Nababanggit Ng Pagmamahal

at dahil abala ka sa anumang bagay
na tinudlaan mo ng ibayong pansin;
kaytinding pagtutuok sa kawalan,
hindi mo namalayang mahaba-haba na
ang iyong buhok
walang pangahas na nagmamatyag sa iyo
kaya nga't imposibleng mapansin mo
na malago na ang iyong balbas
at ang bigote mo'y pumapaldo na ng alikabok
sa ganitong yugto, tuldok ng panahon nagtatakda
ang di inaasahan
dumating siyang bitbit lamang ang kanyang sarili
hindi siya manggugupit, walang alam sa larangan
ng tabas at porma, ngunit may paraan siyang nais
ihantad sa iyo: gusto niyang guputin ang mahaba-
haba mo nang buhok na nagmimistulang anino
sa iyong likuran
may mga daliri siyang karaniwan pa sa karaniwan
walang espesyal sa kaniyang palad
maligasgas at malalalim ang mga gatla
walang anuman sa kaniyang kamay na nagpapayabong
ng puno o nagpapasibol ng mga bulaklak,
walang anuman maliban sa iisang tangi nito:
haplos na di maipaliliwanag ng agham,
haplos na sumusuot sa kaluluwa
hindi mailalarawan maging ng pinakadakilang mga salita
siya ang nakatakdang gumupit ng iyong anino
walang inihahain na kapalit ang kanyang ibinabahagi
isa lamang ang kanyang hiling,
titigan mo
ang kaniyang ngiti.