Biyernes, Hunyo 24, 2011

Indakan

ikinukubli ng umaawit
na ulan
ang impit
na tinig,
ang pusok at ligalig,
ang uhaw na nasa.
maging ang payak na sopa
ay tila kasapakat
sa indayog ng ingit
na sumasaliw
sa nagsasayaw
nilang gulugod
at indakan
ng puson at hininga.
ang dilim,
hinihiwa
ng nokturnal
nilang mga mata.
galugad nila ang dila.
haplos sa haplos,
saplot sa saplot:
pinalalaya nila ang misteryo ng milagro.
maging ang patang
mga kaluluwang
nakaligid,
na iginupo ng mga nakaraan
at hinaharap,
ay plastadong nakikiramdam lamang.
walang sagwil
sa umiigpaw nilang rurok.

saksi akong
di patulugin
ng ulan
at mundong
nagpipinta
ng bahag
(h)ari
sa dilim.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento