I.
Mamaya, maaring sabay
kaming nakatitig sa buwan.
Sabay sa paghanga at pagdakila.
Mga debotong nakatingala sa poon.
Marahil, kabisado na ng buwan
ang aming mga puyo.
Ang aking pagkalango sa anino,
ang espasyong kaniyang tinungo
Kung mukha ng diyos
ang mamaya’y masilayan
Alam sana ng buwan
ang aking kahilingan.
II.
at, mamaya,
habang tila
pulang balintataw
na nakatitig ang buwan sa sanlibutan,
alam kong hindi ako nanaginip
kung kasabay ng pagtitig,
may alulong ng nagmamartsang mga paa
sa lahat ng lansangan
sa lahat ng lungsod
at may mga sulong
maalab na naghahasik ng liwanag
sa lahat ng dako
sa lahat ng dakong dilim
ang nakilalang hantungan
liwanag ang mga sulo—maghahawan
ng dilim, mas mapula
sa balintataw ng buwan
malayang makikipagtitigan.
III.
Isang pulang balintataw,
ang buwan.
Na pinararatangang diktador ng lungkot,
manlilikha ng alon at baha,
emperador ng kabaliwan kung kabilugan.
Saksi, mamaya, ang mga bubog na bituin,
maging ang malawak na kawalan ng kalawakan.
Magbibihis ng mukha
ang buwan.
Grandiyosong magsusuot ng anino
ng mundong tititigan ng araw.
Walang maliligaw
na mga ulap, tila nagkasundong
magkubli’t pagbigyan
ang buwan.
Pagkat ito, ang miminsang pagkakataon
Na magmimistulang bolang apoy
ang buwan,.
At tayo,
tayong mga nilagom ng dilim,
tayong inagawan ng liwanag
tayo’y di lamang sasaksi.
Titigan natin ang pagbibihis
ng buwan.
Pulang balabal ang itatakip
sa kaniyang mukha,
magsisilbing kanlungan ng
ating paglaya.
Ito ang mapulang gabing hindi
mapapansin ng mga berdugo
na sila’y naliligo’t lumuluha
ng sariling dugo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento