Biyernes, Hunyo 24, 2011

Pagod

May mga pagod na hindi kapaguran:

Ang huling tuldok sa mga kuwento at nobela.
Ang huling pantig sa mga tula.
Ang katatapos lamang na pagsisiping
Ang pagluluwal ng unang supling.
Matatandang gurong tuloy sa pagtuturo.
Mga kargador na sinalubong ng bunso.
Mga manlalakbay sa malawak na disyerto.
Mga paang nakatuntong sa tuktok ng Apo.
Ang huling tanong sa mga pagsusulit.
Ang huling mga sulsi sa napunit na damit.
Ang pamamahinga lilim ng magsasaka.
Ang mabangong banig sa gabi ng mangagawa.
Wagayway ng puting watawat sa mga giyera.
Mga dulo ng mahabang karera.
Mga asawang nagbalik mula Bahrain at Saudi.
Mga sinag ng araw matapos ang gabi.
Ang kapeng barako matapos ang engkuwentro.
Ang mga dalaw ng politikal na detenido.
Ang tapik sa balikat ng mga kasama.
Ang Mendiola matapos ang martsa.

May mga pagod na hindi kapaguran—

bagkus ay kaganapan
ng mga pangarap at patutunguhan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento