Nagpapagunita ang lahat ng bagay.
Halimbawa,
ang bakanteng upuan
na laan lamang sa iyo.
Ang mesang papatungan sana
ng iyong siko
habang matapat akong nakikinig
sa mga dahilan kung bakit huli ka
sa tagpuan.
Ang hagdanan,
na matatanaw ko ang iyong pag-akyat:
nagmamadali, apuhap,
may ngiting gagantihan ko rin ng ngiti.
At kung magkaharap na tayo,
wala nang makaaagaw sa ating mundo.
Payak tayong binubusog ang ating mga
puso.
Bugso ang mga damdaming puno
ng buhay at ideyal.
Ngunit,
tatapikin ako ng mga gunita.
Pawang alaala ang lahat—
nililikha ka ng mga puwang
sa mga bagay
na dati mong dinampian ng
haplos.
Hinahanap kita sa dagsa
ng estrangherong mga mukha,
na tumatabing sa pangungulila.
Hindi na nga kita makikita.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento