Bago magbihis ang mga mata
ng pagpikit, nakapatay muna ako
ng dalawang ipis na makulit at
ilang langgam na biglang nagsulputan,
mula sa kunsaan—at ginambala
ang papahimbing na ulirat.
Mula sila sa kunsaan, bagamat alam ko,
sa sulok-sulok sila nananahan.
Hindi mo talaga maaasahan
ang makapanindig-balahibong paggulantang
ng mga langgam at ipis.
Parang kamatayan o di inaasahang pagbubuntis.
Tila ganyan ang mga gunita—bigla kung sumulak,
pumitlag, sa pahina ng mga oras na gising,
bangungot kung nahihimbing.
Sorpresang lumalantad sa panahong di inaasahan.
Parang tag-araw na maulan
O ang bibihirang pag-asul ng buwan.
Lamang, mayroon akong di maunawaan.
Bakit di ko kayang patayin ang mga gunita
tulad ng pagkakapatay ko, sa mga langgam
at dalawang ipis na ngayo’y kumikisay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento