Biyernes, Hunyo 24, 2011

Kung Maaari

Sa inyo na lumilikha
            ng pulot-pukyutang mundo,
huwag kayong matakot sa nakaraan,
alam kong bukas
ang inyong mga dibdib
sa kani-kaniyang bangungot.
Matutuhan niyo sanang sampalin
ang isa’t isa
            ng mga halik
                        ng pagtanggap
sa bawat niyong kahinaan.
Haplusin niyo ang noo ng bawat isa.
Kabisahin ang lahat ng gatla.
Aralin ang gaspang ng mga palad,
mahalin ang kalyo
ng pinagod na mga puso.

Sumpain niyo ang lahat ng alinlangan.

Hindi kayo itinadhana,
(Walang tadhana)
—alam kong alam niyo
                                                na kamatayan
ang hantungan ng buhay,
ano’t anuman ang pagtitimbang.

Ingatan niyo ang ngayon.
Walang katiyakan ang bukas.


kay Jack at Paneng

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento