Biyernes, Hunyo 24, 2011

Lagim


Ang akala niya’y makatatakas siya kung managinip.
Hindi niya mararanas ang binubutas na tiyan.
Bande-bandehadong ulam, milagrosang kanin
at malamig na tubig sa nagpapawis na baso.
Maaliwalas ang hapag, pilak ang mga kutsara’t tinidor,
porselanang mga plato, de-salamin ang mesa,
may kutson ang mga silya.
Sa dulong sentro ng hapag, ang tatay niyang nakakurbata
katapat ang nanay niyang nakaberdeng blusa, si omeng—
malinis, nakapamada at hindi inuuhog
katabi ang ate niyang humahawig kay Angel Locsin.

Ito ang hangad niya sa panaginip bago pumikit,
kahit ang tiyan ay may orkestra ng
rebolusyon
ng bituka sa bituka.
Ngunit maging ang pangangarap sa panaginip, bangungot,
tulad nang kung ano sila kung gising.

Walang kaibhan ang kaniyang panaginip
sa realidad ng kanilang araw-araw
—bangungot.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento