Ay mistulang manyikang de-baterya kung gumiling
Walang pagod-hayok na mga mata ang nagtitiyagang kumilatis
Sa kurbada ng kaniyang balakang, tambok ng puwit at pintog ng suso
Matipid na mga galaw at igkas ng mga kamay
Pinalalaya ng babae ang demonyong sumiping sa kanyang sentido
Nangangapal ang libag sa kanyang batok
At nanlilimahid ang ngiti sa kanyang labi
Sinasangga lamang ng blankong balintataw
Ang haplos ng mga bahagharing liwanag
Inililipad siya ng awiting iniluluwal ng garalgal na karaoke
Nagmimintis ang disco ball
Na hagurin ang kanyang giling, ang babaing ligaw
Sa kunsaang lupalop ng lungsod nagkukuta
Ang kaniyang mga gabi
Sa kunsaang sulok nananahan
Ang kaniyang mga umaga at tanghali
Kung anong kasaysayan at kuwento
Mayroon sa likod ng mga walang-malay na paggiling
Wala, wala tiyak ang makababatid ni makatuturol
Maliban sa isang supot ng pulang plastik
Na nagwasak-gitata sa siksikan ng ilang damit, kuwadro ng larawan
At isang laruang manyikang walang ulo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento