Sabado, Hulyo 14, 2012

Sa Noo Ng Estado Nakaukit Ang Salitang Kaaway


Makailang ulit na ring nagpipilas ng listahan
ang estadong ito.
Listahang nanggigitata
sa dugo at amoy ng pulburang nanunulasok
sa kurtadong utak ng mga kriminal
na nagpapanggap na tagapagtanggol ng laya
at sambayanan.
Makailang ulit ng pag-iimprenta,
makailang ulit ng pag-aaksaya
ng mga papel sa pag-uukit ng mga pangalang
tinatakan ng
                     Kaaway ng Bayan.

Ano ang kaaaway at ano ang bayan
sa kanilang pakahulugan?
Malaking dagang ngumangatngat sa kanilang damit?
Anay sa haligi? Langaw sa bunganga ng mangkok?

Ano ang bayan at ano ang kaaway
sa kanilang pagkakaintindi?
Isang maaksyongpelikula? Isang pangangaso
sa kasukalan?
Isang katayang aataduhin ang mga mahuhuli?

Makailang ulit na ganito at ganito lamang
ang huwisyo ng estado. Labu-labo at balighong
katotohahan ipinamamarali sa madla.

Sino nga ba itong
tinatatakan na
                       Kaaway ng Bayan?
Kaaway ba ang nakadadaupang palad
ang mga magsasaka nang hindi kinatatakutan
ni pinangingilagan? Kaaway ba ang umaaararo
ng tiningkal? Kaaway ba ang matapat
na naglilingkod sa interes ng aping-sambayanan?

Makaulit nang napagtibay ng kasaysayan
na ang tinatakang kaaway ay hindi kaaway
at ang tagapagtanggol ay mga asong ulol
na kasangkapan ng estadong nauulol.

Makailang ulit na susunugin ang mga listahang ito,
at sa pagkakataong maabo ang dapat nang maabo
iuukit natin sa noo ng baluktot na estado
ang mga salitang
                           "Kami ang kaaway."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento