sabihin ko mang galit ka sa mundo
o sa organisadong relihiyon, na ika mo,
pinagloloko lamang tayo. sabihin ko
mang ikaw ang isa sa pinakamapangutya
at walang tiwala sa tao bilang tao,
sabihin ko mang pinakamatindi
ang atay at baga mo sa bisyo.
sabihin ko mang minsan, di ko ramdam
na iisa ang ating dugo, dahil nga't
di maniwala ang ibang estranghero.
sabihin ko mang tulad ng langit,
may kanya-kanya tayong lupang
sinasakop at tulad ng sorpresang
regalo, may kanya-kanya tayong
lihim na itinatago. sabihin ko mang
kananete ako at kaliwete ka, na iba
ang likaw ng ating layon at bituka.
sabihin ko mang wala akong masabi.
sasabihin ko pa rin at kung mamarapatin,
isisigaw ko, una sa aking mga ugat
ikalawa, sa kuwarto ng mga aklat
at ikahuli, sa inaayawan mong mundo;
sasabihin kong mapalad ako
sa pinakamapalad at malapad
ang ngiti ko; dahil ikaw ang nakatatanda
kong kapatid, isang anino, isang salamin
wala man akong ate, na kayang pumunas
sa nalagas na luha sa aking mata
o magpayo na ganyan talaga ang buhay
at manalig ka lang sa Kanya
mayroon naman akong kuya, na dati kong
naging kakambal sa parehas na damit
at ngayo'y puwede kong arboran
ng tisert at polo. na kaya akong kotongan
sa tuktok ng aking bungo. (naaalaala mo
iyong sinuntok mo ako sa tadyang dahil
nakagalitan ka ni nanay dahil sa akin?)
na kayang magpabaha nang walang
patid na alak. na isang kuyang
makakabanggan ko ng utak at balak.
sasabihin ko sa iyo: marami, maraming
puwedeng maging kuya-kapatid
pero iisa lamang ang karugtong
ng aking lubid.
--maligayang kaarawan, Nick Anthony, kuya!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento