Bride: Ako, si Athena Curacha Pinagpala
na nguso'y parang sumabog na tiyan ng tilapia.
Ilong na tila napitpit ng galit na martilyo,
noong pwedeng lapagan ng sampung eroplano.
Mata ko'y walang ipinag-iba sa butiki,
kutis ko'y maihahambing sa balat ng paniki.
Mala-buhok-ng-mais nagsisitubo sa aking anit,
pisnging maumbok nga'y tighiyawat nagsisisingit.
Balakang ko'y singkitid ng madulas naming eskinita,
hitang singpayat ng nabulok na sanga ng papaya.
Tuhod na sinumpa sa libu-libong sensilyo.
Sakong ko'y nagbakbak sa alipunga at kalyo.
Groom: Ako naman, si Elvis Dimaano Dela Cruz,
paang mukha nang luya'y suki pa ng paltos.
Binti ko'y tinadtad ng buni, pigsa at galis,
hitang pinanay ng sugat, an-an at gurlis.
Walang pandesal itong tiyan kong nag-impis
na ayaw ko ma'y madalas lamanan ng panis.
Dibdib ko'y isang kanbas na pinagpraktisang tatuan
ng mga kaibigang namberwan sa sugalan at lasingan.
Mga kamay ko'y maiiksi nakomang pa ang kaliwa,
balat na singkulay ng manibalang na chesa.
Labi ko'y mala-rosas malas lamang ay makapal,
matang malalaki kilay ay masusukal.
Patusok, mga tenga ko't ilong tulad sa duwende.
Buhok ko'y pinagtripan ng barberong gamit ay lagare.
Bride at Groom: Kami, sa tapat ni Mayor Madlangnakaw,
pinagtitibay, pag-iisang dibdib naming nag-uumapaw;
sa atas ng aming damdaming ginulpi ng tukso
at kapalarang tampulan ng nagmamagandang mundo.
Kapos man sa kraytiryang tanggap ng lipunan,
marangal naming ibinabayubay, simple naming katauhan.
Na kahit pinaglihi yata sa tiyanak at maligno
o sa kung anumang halimaw na likha ng kung sino
ay matapat kaming humihinga, walang layaw at bisyo--
walang konsiyensiyang binabangungot, nagdedeliryo--
kundi umibig lamang nang tapat at sinsero.
Kami, dalawa'ng itsura'y kinulang man sa rikit at luho
ay marunong namang kilalanin, tibok ng aming mga puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento