ganitong gabi ang gusto kong gabi,
may kaunting ingay na nagsusulputan
sa paligid na parang kabuteng umuusbong
sa nabubulok na sanga sa gubat--
may matining na boses ng batang di pa
iaantok at humahabol ng laro
sa bakante nang lansangan,
kalansing ng mga tansan sa kunsaan,
pingkian ng mga tagayang-baso
sa pinakadulong kanto ng kalyehon,
iisang notang awit ng bentilador,
buga ng tambutso ng humarurot na motor,
awit ng gagambang humahabi ng sapot,
paisa-isang patak sa gripong sirain,
hikbi ng nagdadalagang pusa,
palakpak ng mga dahon at sipol ng hanging
maalinsangan,
hilik ng lalaki sa ilalim ng posteng sira,
kaskas ng kuko ng daga
sa ilalim ng kama,
bulungan ng mga anay,
awit ng ulap at pilik-mata--
sadyang ito ang gabing hinahanap ko
pagkat ayaw ko iyong maski anino
ay nakatikom o
iyong maging ang mga kurtina'y parang
mabigat na sako ng bigas sa sulok
ng imbakan;
dahil ito ang gabing ramdam kong
tahimik ang gabi at rinig ko
ang haplos ng daigdig
na malaon ay iiwan ko,
nang walang paalam.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento