Sabado, Hulyo 14, 2012

Saysay

Aaminin ko may mga pagkakataong
Iniisip ko kung ilapat ko kaya
Sa sariling mga kamay ang pagtutuldok
Sa sariling hininga
Sa walang tumpak, tiyak na dahilan
Walang bahid ng paninimdim o malalim
Na lungkot at pangungulila

Sumasagi ang mga bungo ng lason
Na mananakmal ng lalamunan at sikmura
Patalim na hahalik sa pulso
Lubid na yayakap sa liig
Gaano kalamig ang ilog
At anong damdamin at mga gunita
Ang magsusulputan sa aking harapan
Habang ragasa ang hampas ng hangin
Sa katawang pabulusok sa semento
Patintero
Sa tren o kotse
Punglong hihimay sa utak
Bungong magbibiyak

Aaminin kong sumasagi
Ang mga tahimik
Na sandali
Ng pagninilay sa pagitan
Ng unang titik
Ng tula hanggang sa huling
Tuldok ng talinghaga

Ngunit sa bawat sandaling ito
Ng eksistensyal na pakikibuno--
Isang yabang sa ugat
Eksistensyal na asersyon ng kalayaan
Tanong sa tanong sa tanong--
Mga sandali itong sinasangga

Hinaharang ng isang balitang
Matagal ko nang nabasa sa diyaryo
Naaalaala ko
Iyong ale sa Juan Luna,
Sa Divisoria
Na isang umagang nagliliyab ang bati
Ng araw
Ay walang anu-anong napugutan ng ulo:
Isang dispalinghadong salamin ng bintana
Sa ituktok ng gusaling KP
Ang bumulusok
At pumuntirya
Sa liig ng aleng magalak na nagwawalis
Isang umagang nagliliyab ang bati
Ng araw

Isang umaga iyong marahil ay nag-aalmusal
Ako, isang tasang kape at pandesal,
Matapos tulugan
Ang isa sa mga pribilehiyong-gabing
Eksistensyal.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento