marami akong gustong isiwalat
tungkol sa aking panulat
na sa totoo lamang ay matagal-
tagal na ring bumabagabag
parang libag sa batok, parang kati
sa anit. pagkarami-raming nagtambak
na hindi ko na yata maiisa-isa pa,
pero sisikapin kong ilatag nang
dahan-dahan na tila unan na
ihihilera sa nagkulob-amoy na banig,
saka hihigaan at paniniwalain
ang sariling nakahiga ako sa kutson,
sa ulap ng mga salita, sa marikit
na hardin ng panulaan,
uumpisahan ko sa pag-amin
na--teka, nabanggit ko na ba
kung bakit ako nagtutula? hindi pa?
sige, maikuwento ko lang sandali;
dati, noong tila bubuwit pa lamang
akong nagkakandi-kandirit sa rampus
ng tondohayskul, tagaktak-pawis
at mukhang tanga sa panggigitata
ng polong ginusot ng harot at takbuhan,
laging naglalaro sa aking isip ang ngiti
ni Maria, siya ang babaing nagpapata-
meme sa akin tuwing maligalig akong
tila butete at nagbibida-tropa,
sinulatan ko siya ng tula
tungkol sa kanyang ngiting tila
buwan sa rilag at matang parang
bituin sa ningning kapag kinukurot
ng sinag ng araw, ang maalon niyang
buhok na parang usok ng yosing nangulot
sa hangin; oo, tinulaan ko siya,
inilagay sa sobreng mumurahin
at hinintay ang balemtayms upang maibigay
na ipaaabot ko na lang sana
sa isang katropa pero, mayabang kong inako
dahil ako naman ang gumawa ng tula,
at ayaw ko talaga ng mga tulay-tulay,
kamukat-mukat, maaliwalas ang ngiti niya
nang tanggapin niya ang tulang-sulat
na pinagpuyatan kong bunuin, kamukat-
mukat, walang anu-anong nabakli
ang lapis at humawak ako ng bolpen
at sumulat ng iba pang tula, na hindi
na lamang para sa kanya, kay Maria,
kundi para na rin sa natutulog na bata
sa bangketa; kamukat-mukat, pumailanlang
ang mga salita at nakisalo sa hininga
ng bundok at sapa, estero at aspalto;
aywan, baka misteryo
itong naganap, pero mabait ang langit
para suklian ako ng mga talinghaga at
largabistang tumatagos sa telon ng
huwad na lipunan--
wala naman talaga akong gustong isiwalat
maliban sa gusto ko lang tumula nang
ganito na parang kausap lamang kita,
patangu-tango, pangiti-ngiti
maliban sa gusto ko kasing magnakaw
ng aklat na di ko aamining nagawa
ko na, ang The Art of War ni Sun Tzu.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento