tulad ng pagtula, kailangan mong sinupin ang mga salita,
piliin ang nararapat
hindi basta-bastang paghawi ng mga kalat
agiw
alikabok
tukuyin ang talagang maibabasura
ang kulumpol ng mga nagbuhol na buhok
balat ng kendi, nagdurog na bato,
ang mga tuyong dahon ay pampabulas ng puno
kawangis ng pagpipinta,
ang pagwawalis ay di basta-basta
ang hagod ng pinsel sa paleta
bago ihalik sa kanbas
ay tulad din ng paghalik ng tambo
o tingting, sa sahig o bambang
marahan, hindi madalian
alamin ang tamang haplos
ang kampay ng kamay
ang halo ng mga kulay
at tulad ng pagkatha, may sinusunod na mga batas
ang pagwawalis
may karakter ang bawat dumi
may karanasan ang bawat lapag
hindi kaya ng tambo ang basang semento
hindi kaya ng tingting ang maliliit na buhangin
sa tahanan o eskuwelahan
may sinusunod na paraan
may simula at katapusan
pwedeng mula kusina palabas ng bahay
o mulang tarangkahan hanggang kasilyas
ang sining ng pagwawalis ay di basta-basta
ikaw ang bahala, pero bawal ang saka na
lalamunin ka ng alikabok
lulunukin ng basura
kung laging may patay
sa kapitbahay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento