Linggo, Enero 29, 2012

Kongkreto

Marami akong frustrations.

*

Nitong nakaraang linggo, kinukulit ako ng ideya na magsulat ng prosa. Tulang prosa. Maikling kuwento. Nobela. Nabanggit ko kay Jack ang ideya. Tinawanan lang ako ng gago. "Di nga?" sagot ni loko. Pero alam ko, nagulat siya. Maski ako, nagulat din sa ideya. Hassle.

Gusto ko talagang magkuwento. Pramis. Marami-rami na rin akong nabasang kuwento, nobela. Naiinspira. Naiinggit. May nakikita akong kinang sa daliri ko kapag nakababasa ako ng magaganda at mahuhusay na prosa. Nag-aalab ang mga kagustuhan. Di ko nga lang maihubog sa kongkretong outlet.

Pero, aywan lang, baka sa puwit lang ng baso galing ang kinang na iyon. Aywan lang.

*

Siguro, masama nga ang mainggit.

Si Mark S., kumupit ng espasyo sa Liwayway. Hindi ako naiinggit. Natuwa nga ako e. Gusto ko ang panulat niya, at oo, mahusay nga talaga. Doon din naman ang punta niya. Katanyagan.

Pero may naramdaman akong mainit na di ko maipaliwanag sa mga kamay ko nang mabalitaan ko, nang i-text ni Mark S. ang balita. Tangina, kung anuman 'yon, di ko din maipaliwanag. Hassle.

*

Kailangan ko ng pera. Hindi ko na kailangan sabihin kung bakit, lahat naman tayo nangangailangan nito. Di ko kailangang ipaliwanag pa. Pero, mababaw ang balon ko ng dahilan para maghangad ng salapi. May mas nangangailangan, mas mahalaga kaysa sa mga bagay/plano na ibinabagay at ipinaplano ko. Reyalidad. Sampal.

Masarap maging guro. Sobra. Pero, tangina, nakakainis din.

Di ko na rin kailangang ipaliwanag ang huli kong tinuran. Aywan lang.

*

Marami akong frustrations.

Gusto kong magpinta. Magdrowing. Gusto kong maglakbay. Gusto kong magbasa lang buong araw. Gusto kong matulog nang lagpas walong oras.

Gusto kong kayakap lagi si G. Gusto kong hawak ko lang ang kamay niya. Gusto kong manatili ang lahat nang kung ano ito ngayon. Ang sa aming dalawa. Tawa. Ngiti. Init. Lamig. Perpekto.

Gusto kong pagsabay-sabayin ang lahat.

Gusto kong umakyat ng bundok. Gusto kong maglingkod. Gusto ko uling mag-rally. Gusto kong maggitara sa harap ng nagtataas kamaong madla. Gusto kong makadaupang palad ang mga magsasaka at manggagawa. Gusto kong magkulong sa City Jail. Gusto kong pumunta sa Hacienda Luisita.

Gusto kong pasayahin sina Nanay at Tatay. 'Yung pangarap nila na makita akong maunlad. Pero, badtrip kasi, iba talaga ang konsepto ng pag-unlad sa isang trad na mga magulang. Anyway, mahal na mahal ko sila.

Gusto kong pagsabay-sabayin ang lahat. Pero, ganid naman ako kapag pinairal ko ito. Wala sa hubog.

Marami pa akong frustrations na hanggang sa abstraktong pagtingin ko lang nagagawa.

Napakarami.

*

Siguro, itutula ko na lang muna. Mahaba ang bukas. Huwag lang akong mapag-tripan.

Ayos lang ako sa masaker ng mga kritiko. Saksakin nila ako. Hindi ako papalag.

Literatura ba kamo? Panitikan?

Madugo. Gusto kong magdugo.

*

Nga pala, satisfied na ako sa buhay ko. Frustrated as ever nga lang. Kongreto. Mabagsik.

Sabado, Enero 28, 2012

Hungkag

Sa ere
“Just another manic Monday…”
Sumasabog, mas maingay kaysa noon
Piyesta, si Don Bosco sa sutanang itim
Nakangiti
Sa ere
Isang ironiya, di ko maramdamam ang init
Saya
Nitong 09:48
Linggo ng umaga.

Kailangan kong kumain,
Si Nanay, nagluluto
Kagabi, mayroon akong kabayo, pula
sinipa ang aking sentido
Bukas: Lunes…
Sa ere, 09:52, Linggo
Isang DJ mixed
“Girls just wanna have fun…”
Ang bumabasag sa aking pandinig

Sana masaya ang Nanay, ngayon,
Habang ang Tatay, nagbabasa ng diyaryo
Na may headline:
Kasambahay Inabort Ang Sarili, Todas.

Hungkag.

Yet*

ano't anuman,
hawakan mo
ang aking kamay.
sa tagumpay,
sabay tayong
maglalakbay.

*kay Ma'Gu

Ars Poetica Ng Makata Sa Karsel Ng Sarili

...Parang mga makatang labis na naaaliw sa pagkatula ng kanilang tula at walang pakialam sa damdamin at pag-unawa ng mambabasa. --Reuel Aguila

                    (aaminin ko,                oo,  minsan
oo, minsan,               wala akong
pakialam               sa damdamin
at          u     na         wang u       mu     nawa           ng  mam
                   ba
               ba
          sa
                              bagsak sa pamantayan ko           ang kanilang 
kakayahan na              umintindi, intindihin
ng         ,ang              
metapora, simile,                            paradox, irony
             prosody: metro         ritmo            intonasyon
mga pantigan at patnigan
tetrahexaiambicdactyltrocheeanapestspondeepyrrhic
    tugmaan          ballad villanellle          oda soneto        
                         jintishi haiku tanka
ghazal             bersolibre
assonance              consonance    aliterasyon
   estropa      couplettripletquatrain

hindi nila ito magagagap             bakit ko ilalantad         sa kanila
ang aking nalalasahan          ni nadarama            nakikita      ni
nalalanghap         
                      indibidwal at personal ang lahat          lahat
sa akin             
                      may musa akong pinagsisilbihan     

ano pa't                naging          makata?
                   ang tula ko'y               tula       at tula

lamang 

               wala akong pakialam. walang makikialam.
                            ...for art's sake!)

Typo

nag-text si Jack:

Pare tignan mO nga mga bagO
qng lagay s blOg..pasadahan mO nga..

dahil O.L. naman, mano bang pagdamutan
ko ang hiling ng isang malapit na kaibigan

pinasadahan ko:

Para sa iyo, marie digby (pamagat ng tula o dagli o aywan nga ba
kung ano) Parang puking nagsasalita ang tingin ko sa dayuhang bisita… 
dahas (naikuwento niya sa akin ang pangyayaring ito)
May daga, may daga! takot na sabi niya sa akin. 
Sipsip-sipon ako. Maririin..
Yo’n bang sipsip na gusto mong makuha
Ang lahat ng sipon sa ilong nang makahinga
Ang bata. (Sipsip, ito ang pamagat ng tula) 
wasted na ko. (pambungad ng tula/dagli/prosa/aywan
na pinamagatang paskonapalamaryjeansuela) 
mga kuwento ng mga nakakasalubong ko sa daang juan luna, divisoria… (isa pa) 
…pokpok talaga ang putang ina, nakita ko kagabi sa eskinita..kasama si jerring adik.
tignan mo yung anak, payat at nanlilimahid

bigla, may kung anong pumitlag sa utak ko.
ayaw ko nang ilantad pa kung ano

isinasaboy-paunawa ng tula ang esensiya ng mga bagay-bagay
labas sa gagap ng tanaw-dinig-dama-langhap-lasa

Censorship is the tool of those who have the need to hide actualities from themselves and from others. Their fear is only their inability to face what is real, and I can't vent any anger against them.
--Charles Bukowski (salamat sa post ni Lolito Go)

Hindi Ito Mendiola

hindi ito mendiola...
--tulay,     daan,         pa
nu
lu
kan

hindi ito kanto hindi tipak ng           aspalto
hindi daanan ng mga mapuputing paa 
la
mang
hindi             tambayan ng kapulisan
hinding-hindi landas sa       matatag na ekonomiya
hindi        tagpuan
hindi tripping zone
hinding-hindi beda            jollibee
security bank    baste          UE              centro escolar
hindi           tropical hut        mang inasal    hindi     cctv hot-spot
hindi       lugar hindi ito mendiola...
hindi ito arko ng
kapa
yapa
an
hindi barbwayr prone area
hindi            ito         tarangkahan ng palasyo
hindi   ito    kuta ng gobyerno
hindi             dito ang teritoryo
ng mga                  gahaman
hinding-hindi ito dapat                 pinagsasarhan

hindi ito mendiola...
--tulay,         daan,                  pa           nu        lu          kan
ito/dito a/ng          digma/an
ng uri                 
sa               pananagumpay
ng          laksa-laksang duhagi api.

hindi ito mendio/la
mang.

Tala

Sising-sisi sa nangyari, umakyat siya sa kanilang bubong. Alas-nuebe ng gabi, dumadantay ang nananaksak na amihan sa kanyang kabuuan.

Inilatag niya ang likod sa kurba-kurbada, kalawanging bubungan. Kinakalmot siya ng nakausling mga pako. Wala siyang pakialam.

Gusto niyang hawakan ang mga bituin, mabait ang langit nang gabing iyon. Gusto niyang kumapit sa buwan. Patay na si Ligaya, kanyang kasintahan. Silang dalawa ang huling magkasama bago ito dambahin ng trak at tumilapon sa isa pang trak na inuuslian ng mga bakal at alambreng pang-konstruksyon. Pinag-uusapan nila, nang mga sandaling iyon, ang pangalan ng bata na kanila rin sanang lalalangin nang gabing iyon. Tala.

Tumawid si Ligaya. Naiwan siya sa bangketa, nagsisindi ng biniling sigarilyo sa mamang may basag ang pangharap na ngipin. Nadulas nang bahagya si Ligaya habang tumatawid. Naiwan ang kanang bakya, mabilis-yuko itong binalikan ni Ligaya sa gitna ng haywey. Tatawid na rin si Jojo nang mabilis na dambahin ng trak si Ligaya. Mabilis tulad ng naglalarong mga ilaw sa haywey ang mga panginorin. Nagitla si Jojo.

Gustong mamatay ni Jojo habang nakatitig sa isang bituin. Bituing ayaw magningning pero mayabang na naghahasik ng kislap. Tala.

Gusto niyang mamatay. Inihampas niya ang ulo sa nakausling pako. Makaulit.

Steppe

Parang patalim na humihiwa sa noo ni Jojo ang pawis na pinasibol ng matalasik na araw. Nasa gitna siya, ngayon, ng prusisyon. Daan-daan ang mga paang pumapadyak, at umaalulong sa tanghaling kalangitan ang “Aba, Ginoong Maria”. Masakit na ang ulo ni Jojo, di na niya matagalan ang init, inis at inip.

Kaninang umaga, butas-ang-bulsa, nagbakasali siyang maghanap ng trabaho. Isang taon at kalahati na siyang panis at nangangalingasaw sa kanilang dampa. Sa kolsenter siya sumubok, “Suwertehin nawa!” 'ika niya sa sarili.

Sawimpalad siyang nagmura sa hangin matapos ang apat na oras na proseso ng ganito at ganiyan. Wala nang gatas ang bunso niyang kapatid. Isa’t kalahating taon na rin itong nasasanay sa maligamgam na tubig at asin. Blangko ang isip, humagod sa mata niya ang prusisyon ng mga birhen. Sumapi siya nang walang dahilan kung bakit. Blangko ang isip.

Ngayon, masakit ang ulo, tanggap na niya ang kalugmukan. Nakatitig siya sa hapis na mukha ng Birheng Maria. Napansin niya ang magarbong suot ng babaeng imahen. Gusto niyang magmura.

Mamaya, bago umuwi, dadaan siya sa Jones Bridge. May nakapa siyang kahel na tali sa tastas na niyang bakpak. Kung bakit naroroon iyon, hindi niya alam. Napangiti siya. Naisip niya ang New Zealand, ang mga baka, ang malawak na steppe.

Kay Mike Enriquez

imbes na kung anu-anong salita
ang ibato mo sa masang inalipusta
bakit di ka mag-imbestiga
kung bakit ganoon katigas ang kanilang
kamao o kung bakit singtalas ng patalim
ang kanilang paninindigan
baka sakaling matunton mo ang dahilan
at lamunin mo ang iyong kakitiran.

Palalim

ayaw nang tumula ng tula
tulad ng dati (hindi ko alam kung
ng o nang ang gagamitin ko sa tulad
__ dati) nabasa ko ang salvaged poems
ni eman, lumitaw sa pagitan ng mga pahina
ng maikling kathang tagalog nina AGA
ang isang maliit na anay, ayaw nang tumula
ng tula tulad ng/nang dati. sabi ni pia,
lutang ako, at ano nga ba daw ang balak ko.
alam na niya ang sagot. kanina, naglakad
sa kuwarto ang patikim ni mark angeles, naka-
ipit sa libro ang regi. form ng kapatid kong
red warrior, 20,000 mahigit. naiiyak ako.
katatapos ko lang magkape kasabay ng saging.
nakatapat sa akin ang bentilador at mag-isa lang
akong nakatapat sa blangkong espasyong
nakadamit na puti. ayaw nang tumula ng tula,
tulad dati, nasa bayan ang tula. hinihingi na
ni jack ang bukowski niya, akin na ang angina
pectoris. nasa bayan ang tula, dapat.
ngayon, tulala akong nagpapanggap na tumutula.
nakasilip sa salansan ng mga libro ang
kung baga sa bigas ni pete lacaba. nasa bayan ang tula
tulala ang bayan. ibalik sa mamamayan, kung ang tula
ay pumpon. nagsasala-salabat ang mga salita.
tulad ng/nang dati, hinahanap ng sarili ang kanyang
kahulugan at katuturan. tumutula ang tula, nasaan ang bayan?
tula/d ng makata, tugma at sukat, hindi mapagtugma
hindi masukat hanggang ngayon. tulad ngayon
malalim kong tinutunton ang gusto kong ilantad.
nasaan ang bayan? nasaan ang tula? tulad ng/nang
dati, gusto kong tumula/sabayan. sa bayan.
sandali, humabol sa mata, kung tuyo na ang luha mo
ni AVH. wakas.

Lumang Bagong Kuwentong Hindi Nababasa Sa Diyaryo

Nasiraan ng gulong sa utak si Jojo
nang, unti-unti, parang labahang
kumurot-humalik sa kanyang gunita
ang mga pangyayari.
Gabi. Himbing ang lahat. Humuhuni
ang mga kuliglig, sabay sa kumpas
ng di matigil na tikatik ng ulan.
May bagyo noon, ngunit walang
makababatid na may kakambal itong
delubyo. Nagising si Jojo, naalimpungatan.
Parang may kumakatok na dambuhalang
kamao sa dingding ng kanilang kubo-
kubohan. Rumiritmo ang toktoktok.
Rumagasa ang malapot na putik.
Pikit-matang dumaan ang mga panginorin
kay Jojo: humampas ang troso sa isang
ulo, kumapit sa puno ang isang binatilyo,
dahon na naglalalangoy sa putik
ang mga kapitbahay, binubura ng ragasa
ang kanilang bayan.
Nasiraan ng gulong sa utak, si Jojo
ay humahalakhak. Lima sila sa pamilya,
siya ang sawimpalad na binuhay. Hindi
niya maikuwento ang mga pangyayari.
Sa gunita, nakangiti ang langit, maaliwalas
ang lahat. Wala sa mundo, nasa labi ni Jojo
ang ating tinutungo.

Sinaing

Nagsaing sila
ng alinlangan.
Kumukulong duda ang init
sa loob
ng kaldero nilang dibdib.
Sandali na lamang,
mai-inin na
ang isinasaing. Hindi
nasunog ni nalata,
inihapag nila sa dulang
ang galit at pangamba.
Kakain sila ng pagdududa
at selos.
Sasayaw sa mesa
ang mga kubyertos,
mga mata at bibig.
Baliktad-sikmurang
magpapaalam sa dulang,
maghihiwalay
silang
bagong-lalang.

Sa Dulang Ng Langit

Ipinaghahanda ko siya ng bukas
at bukas palad niya akong iniha--

handa sa malapit na hinaharap
na aming haharapin.

Maalinlangan ang alinsangan
ng kahapon, at sa lilim ng mga

ulap, pangarap ang makatuwang
ang kanyang pagpupursiging

ihain sa akin, hindi man ngayon,
ang payak na tipan ng kadakilaan.

Ipinaghahanda ko siya ng bukas
at handa akong ihapag sa

kanya ang aking "oo". Wala mang
magarbong handa ang pag-iisa

ng aming mga puso.

*kay Jack at Farren

Pagkakataon

sumasabit sa lakbay ng ligaya ang alikabok ng hapis
sumisiksik sa puwang, sa bitak ng lupa ang puwing
ng lumipas. sa gilid ng tanaw, tumatangis ang batis
habang magalak na nagtatatalon ang mga isda't
sumasayaw sa hangin ang mga dahon.

sumasabit, sumisiksik sa lakbay ng ligaya, hapis
at puwing nang di iniimbita.

nagbabanta ang mga alat sa talukap ng mata.

Musmos*

parang mga batang naglalaro
ng langit-lupa, piko, patintero
itong salimbayan ng ating puso
sa mga hapong tapos na ang klase
walang hubad-hubad ng uniporme
diretso tayo sa lansangan
pagpapawisin mga likod at noo natin
ipupunas sa nanlalagkit na katawan
kuwelyo at manggas
sa ihip ng hangin, buong pitagan tayong
masisiyahan
muling maghahabulan
kakandi-kandirit, at kantiyawang
mauuwi sa inis, magkakagalit
lulubog ang araw, sisilip ang buwan
malilimot natin ang kaninang asaran
kasabay ng pamumukadkad
ng mga bituin
panatag nating ihihimbing
ang sarili
sa patag na lapat ng banig

muli, bukas ng hapon
wala tayong kahapon
wala tayong inipon
kinipkip na pait
at maglalaro tayo, itong
musmos nating mga puso
madarapa, babangon
maglalakad, hawak-kamay
tunton ang iisang
destinasyon.

*kay G.

Bali-balita Sa Enero

inihian ng isang Carmen Tisch
ang oil-on-canvas (1957-J no.2) painting
ni Clyfford Still: isang post-WWII abstract
expessionist na nilambungan ng kasikatan
ni Jackson Pollock; sa Sudan,
mahigit-kumulang 3,000 tao sa tribo ng Murle
ang minasaker, minasaker, bata at matanda,
babae at lalaki, minasaker ng mga armadong
kalalakihan ng tribong Lou Nuer, lumang alitan
sa modernong panahon, nakawan ng baka
sa sukal ng alikabok; pinaghihinalaang bankrupt
na ang Kodak sang-ayon sa ulat ng Wall Street
Journal, paalam sa kodakan at say cheese,
walang maibenta sa mga patent ng 131 gulang
na negosyo ng larawan; 200 milyon daw ang adik
sa ipinagbabawal sa gamot sabi ng The Lancet, hindi
pa kasama ang sa ecstacy, LSD, steroid
at resetadong gamot; sabi ni Stephen Hawking,
babae, babae ang pinakamisteryosong lalang sa uniberso,
at kailan nga ba tayo makayayapak sa Kepler 22b?;
isang 269 kilo ng tuna ang binili ng milyonaryong Hapon
na si Kiyoshi Kimura, 750, 000 U.S. Dollar ang tumbas,
sariwang himaymay ng laman sa sushing ipagpipitagan;
sa Pilipinas, inilunsad ng D.O.T. ang bagong ad campaign,
"It's More Fun In The Philippines", muli't muli lamang,
daw, ang panggagaya ng departamento, second copycat
lamang daw ng 1951 tourism campaign ng mga Swiso;
pinatay ang isang Christopher Guarin, 42, broadcast journalist,
ng mga di makikilalang salarin, ika-150 sa mahabang listahan
ng peligrosong propesyon; kaarawan ni Melchora Aquino,
dalawang daan taong pagdiriwang ng dakilang katandaan
na inialay sa gaza at betadine sa sugat at wakwak
na kalamnan ng mga Katipunero, manong isang Aquino
ang pasakit sa buhay ng mga Pilipino sa kasalukuyan?;
sa Pantukan, Compostela Valley, isang on-the-spot
kamposanto na naman ang nalikha, gumuho ang mayamang
bundok-mineral, nilamon ang mga hininga, sinampal ng mga boulders
ang mga dingding at kisame, 6-feet-or-more underground--
peek-a-boo ang nilalaro ng mga namamahinga, lupa
sa buong katawan, maalikabok na hangin, man-made landslide,
nagtatalo-talo ang mga opisyales sa opisyal
na bilang ng mga biktima,
              "still counting, mga 'dre!", hangga't ang dapat
                                                             ay wala sa lapat.

Melankolya*

tiningnan niya bilang         sugat
ang lipas, kahapon,            nagdaan
peklat ang           mga gunitang         nalagas

nasaan ang ngayon            kinain ng bukas

tiyak na walang katiyakan ang kanyang
                                                               hinaharap/pangarap

sumiklab ang digmaan sa mata         at humilab 
    tiyang tila pakwan             bumilog na kalamnan
                ang hangganan

gugunitain ang sugat bilang peklat      bilang bakas
na/ng bukas

                    may balaraw na hahalik
     sa leeg

  padaskol na sisirit          sambulat
ang maligaya niyang dugo
         sugat at sugat ang buo niyang pagkatao.


*kay Jack

Musa*

ikaw ang musa ng aking mga tula
sa labi mo bumubukal ang mga salita
na hahabiin ng aking pagsinta
sa tugmaan ng ating damdamin
at sa talinghaga ng ating mithiin
metapora ang iyong mga halik
ang mga yakap na nakasasabik
inspirasyong muli't muling mananaig
sa ngiti mo naglalaro ang haraya
at sumisibol ang ligaya
sa pagniniig ng ating mga bisig
may mga pananalig na ritmo
at sukat ng ating mga puso
ikaw ang musa ng aking mga tula
sa iyo mananatili ang aking gunita.

*kay G.

Sa Kawang-gawang Sinungkit Sa Labi

ginagahasa nila ang lahat ng mayroon   tayo
ginagahasa nila ang umbok ng bundok
ginagahasa nila ang kaparangan
ginagahasa nila ang taimtim na tulog ng ilog
ginagahasa nila ang kasapatan ng karagatan
ginagahasa nila ang yaman ng kagubatan
ginagahasa nila ang lahat nating karapatan
     na     mabuhay

ginagahasa nila ang lahat-lahat sa atin     tayo
ang biktima    at    ipamumukhang tayo  at     tayo
pa rin     ang salarin

tayo at tayo ang ginagahasa at wala pa rin    tayo
sa kamuwangan ng            pagtindig

namatay ang isang ina, laksang mga anak
namatay, namatay ang kuya at isang ate ang nalamog
ang dibdib, namatay ang sanggol sa lunod at namatay
ang lola sa piling ni lolo sa tagpo ng creek, naipit ang mga ulo

nakanganga ang mga sinalanta at ginahasa
naninigas na kamay at paa, malamig,       nakahihindik

hinahanap ng ama ang dalawang anak, ang asawa
ang mga magulang ang biyenan, hinahanap ng kaluluwa
ang unawang bakit sa sako humahantong ang bangungot
hinahanap ng biktima ang sarili sa putik, hinahanap
ng sarili ang pasko sa tumuwad na kotse at mayabang
na troso

ginahasa, ginagahasa at gagahasain nila tayo
lahat-lahat, mulang bumbunan hanggang kasukasuan

   sila ang magmumukhang mabuti, sa huli
sila ang magmamabuti
sa kawang-gawang         sinungkit sa labi
ng nagdadalamhati        
                       nakangiti
sila
sa TV
        silang gumagahasa sa      atin.

Kung Ita-tag Mo Sila, Makikilala Kang Makata At Sisikat Sa Tula

siyento-porsyento, garantisado     makakukuha ka
ng mga mata at daliri at makaiintindi     sa
tula mong tumatalakay sa alienation     at sa kailaliman
ng soul at ego at ng angst at metapisikal     something
ng malalalim mong tugmaan

proseso: itaya mo muna ang hiya,     umangkas
sa balikat ng namamayagpag na makata sa FB
add as friend    hintayin mong makilala ka niya     then
penetrate his/her world, virtual world  tandaan mong tulay 
ang kaniyang pangalan      kilalanin mo ang kaniyang kaibigan
add them      as a friend     at matutong mag-tag
tag-tag-tag-tag-tag-tag-tag                        i-tag          
                          ang tula mong nakangiti
at nagsasayaw sa hangin ng ilusyon at ma    hika            wait a minute
like is like a likeable thing
     aangat ang   ego at ang     angst at ang        confidence mo
makakainuman mo ang iyong mga     iniidolo     inside the literary scene
ng Philippine Pilipinas Pilipino Filipino
malaki ang chance      waiting for godot     masusungkit mo
ang grandest ever award     basta't tandaan     alisin mo muna ang hiya
walang hiya-hiya at delikadesa at kung anu-ano pang dahilan
upang mapigilan kang mamayagpag                  hello hello hey hi
ang tula ay kahalihalina    kung ihahain sa kailaliman ng lupa 
at itatabi sa      kepler 22b      ang tula ay tulay na tuluy-tuloy sa tuluyang
like     like      like is like a likeable thing

kung matututo ka lamang mag-tag
babasahin ka    di nga    comments and suggestions     positibo
negatibo      kakatamin ka        yeso ba o marmol      narra      pa
                                                   lo                   tsi                       na

siyento-porsyento, garantisado     makakukuha ka
ng mga mata at daliri at makaiintindi     sa
tula mong tumatalakay sa alienation     at sa kailaliman
ng soul at ego at ng angst at metapisikal     something
ng malalalim mong tugmaan


              manalig
naghihintay ang                                                     stardom.

Puyo

sa cagayan de oro
nagsimbang-gabi si sendong
at nagsasasayaw ang mga putik
magalak na nagbububulwak
ang maangas na baha

sa iligan
isa-isang nagising ang mga biktima
may saklob ng troso ang bubong
may mga kisameng nilantakan
ng luha at hinagpis

sa negros oriental
humahalo sa tsokolateng putik
ang mapait na luha ng tangis
at mabangis na nakatusok
ang tulos ng kapalaran
sa kanilang dibdib

sa misamis oriental
walang patid ang pagkaganid
at said na'ng likas para bukas
matutuyo ang mga putik
ngunit wala nang inosenteng
hiningang maibabalik

sa cebu
hahalakhak ang pagsasamantala
maliligalig ng bigas at de lata
ang mga kalsada, sa interes
ng balat-kayong kawang-gawa

at sa maynila, sa tarangkahan
ng pinagpala, umaalulong
ang hugong ng mamahaling sasakyan
nagsasayawan ang mga paa
siksik-liglig ang mahabang hapag

sa bumbunan ng pangulo
manhid,
tila bagyo ang ikit ng puyo

Bangkay

mas papanigan ko sana ang mga alitaptap
gayong iyon pala'y mga bituin sa dibdib
ng itim na kurtina ng langit
mas papanigan ko sana sila, pagkat tanglaw
silang gumagabay sa aking mga hakbang

lumipas ang umagang pinatay ko lamang
ang takdang makadadaupang palad ko
sana, ang mga sakada ng hasyenda
lumipas ang mga minutong inilagak ko
sa dampi ng malambot na kumot at sinigang
ang tamis ng buhay bilang gitnang uri
lumipas ang mga oras, inabangan ang dampi
ng pait sa labi at gumitaw ang samyo ng tsiko
sa balabal ng gabi

makailang ulit na akong ninanakawan ng panaginip
walang gunita ang mga madaling-araw

sa mga umaga, gumigising akong tila walang kaluluwa
bangkay ng pakikibakang patuloy na nananariwa

Kinakausap Ng Inang May Tattoo Sa Kanang Braso Ang Kaniyang Sanggol

Na tatlong buwan nang umiiral sa daigdig.
Malabo pa ang aninag ng mata, ngunit tiyak nito,
Sampu ng kaniyang pandama’t pandinig, ang pait at hinagpis
Ng Inang dinisgrasya ng matandang pulis.
Pulis na ayaw sumustento sa sanggol
Na pitong buwan na namalagi sa uterus ng ina,
Premature nang salubingin ng kamay ng doktor
Na may maruming gloves at gunting na ipuputol
Sa inunan. Payat siyang sanggol, kayumanggi,
Katulad ng tsiko. Maliit ang ulo’t katawan, tila walang palag
Sa panahon. Sapo siya ng inang makuwento.
Naglalahad ng buhay na tila buhay ng maraming pang buhay.
Teleseryeng singpait ng patis ang kasadlakan, umiiral
Sa loob ng kahon at humihingang lipunan.
Tiyak, hindi kawalan ang kawalang malay ng sanggol,
Sumusulak, sa salaysay ng kaniyang ina, na sisibol
Sa kamao nitong payat na produkto ng maruming libog
Ng mundo, ang tatag ng bukas. Tiyak,
Hindi man maging ganap ang maayang bukas para sa lahat,
Itatakda ng sanggol ang makauring pagpapasya,
Sa buhay na kinatam ng disgrasya at pangungulila,
At ako ang mapapahiya, sa hawak kong supot na nilamanan
Ng mga libro, banyaga pa rin ako sa daloy ng mundo.
Iiwan ko silang bitbit lamang ang kanilang kuwento,
Walang ambag sa angat ng kanilang kasadlakan.
Iniwan ko silang kinakausap, kinakasuap ng inang
may tattoo sa kanang braso ang kaniyang sanggol.
Sa mapait na lipunan ng dyipni, nasagap ko ang kanilang istorya’t ngiti
Nang bumaba ako, nakasalubong ko’y isang amputee.

Ugat

sana
habang gumagapang ang lason
sa salimuot ng aking mga ugat

umuusad ang kalamnan
umuunat
inihahanay ang sinusunog na balat
ng mga balikat
sa tarangkahan ng palasyo

upang magtakda ng nararapat
magdurugo
ang aspalto
pipintahan ng dugo
ang pagsasamantala

habang umaawit ng himno ng apoy
milyong mga tinig

kampante akong pipikit
at ang daloy ng lason sa aking mga ugat
ay susugat
sa kanilang ulirat

kasaysayan itong di na nakagugulat
at maisusulat
sa aklat ng pagkamulat

sana
sa kabila ng lahat
may ambag itong lalasunin kong
ugat.

Hindi Lamang

hindi lamang sa tamis ng paghahalikan
ng ating mga palad
hindi lamang sa ngiti ng iyong mga mata
o sa ningning ng iyong labi
hindi lamang sa init ng ating pagtatangi,
sa kislap ng ating mga sarili
hindi lamang sa kinang ng iyong balat
o sa walang kaparis mong balikat
hindi lamang sa lambot ng itim mong buhok,
sa samyo ng iyong pawis
hindi lamang sa tindig mong walang kaparis
o sa tinig mong tila isang awit
hindi lamang sa brilyante mong mga kuko,
sa pisngi mong sumusuyo
hindi lamang sa iyong kabuuan, hindi,
hindi lamang ang mga iyan

hindi lamang sa nakikita ng aking mga mata
ang magtatakda ng aking pananalig at pagdakila
sa iyo
hindi lamang sa hain ng mundo, sa materyal na nasa
hindi lamang ang mga iyan ang alipatong
nagpapaliyab ng aking pagsinta
hindi lamang ang nakikita ng mata
pagkat ang iyong kaluluwa
ang hindi mahaplos ng aking kamay at pandama
ang katiyakang hinahanap,
kaganapan ng aking pag-iral.

Oo

mayroon pang mas kahindik-hindik
kaysa mag-isa
ngunit kadalasan inaabot
ng deka-dekada
bago natin matanto
at mas madalas
kung malalaman mo
huli na
at wala nang mas nakahihindik
pa rito.


--halaw sa "oh, yes" ni Charles Bukowski

Si Necesitamos Refugio

mula sa kaibuturan
ng kaniyang kasuluk-sulukan
naglingkis tayo, laman sa laman
sa dilim, inusal natin ang hanap ng tiwala
tinitigan natin ang isa't isa
naglandas ang mga kamay, sumayaw sa hangin
sa kurba ng balat, sa gilid ng init at lamig
tahimik siyang nagmamasid,
walang alinlangang naghahatid ng gabay
sa walang-lakad na paglalakbay
tinutunton natin ang mga paraan
sa bukas na ating pagsasaluhan

siya, ang sa atin ay kumanlong
at babalikan
kung kailangan nating sumilong.