mas papanigan ko sana ang mga alitaptap
gayong iyon pala'y mga bituin sa dibdib
ng itim na kurtina ng langit
mas papanigan ko sana sila, pagkat tanglaw
silang gumagabay sa aking mga hakbang
lumipas ang umagang pinatay ko lamang
ang takdang makadadaupang palad ko
sana, ang mga sakada ng hasyenda
lumipas ang mga minutong inilagak ko
sa dampi ng malambot na kumot at sinigang
ang tamis ng buhay bilang gitnang uri
lumipas ang mga oras, inabangan ang dampi
ng pait sa labi at gumitaw ang samyo ng tsiko
sa balabal ng gabi
makailang ulit na akong ninanakawan ng panaginip
walang gunita ang mga madaling-araw
sa mga umaga, gumigising akong tila walang kaluluwa
bangkay ng pakikibakang patuloy na nananariwa
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento