inihian ng isang Carmen Tisch
ang oil-on-canvas (1957-J no.2) painting
ni Clyfford Still: isang post-WWII abstract
expessionist na nilambungan ng kasikatan
ni Jackson Pollock; sa Sudan,
mahigit-kumulang 3,000 tao sa tribo ng Murle
ang minasaker, minasaker, bata at matanda,
babae at lalaki, minasaker ng mga armadong
kalalakihan ng tribong Lou Nuer, lumang alitan
sa modernong panahon, nakawan ng baka
sa sukal ng alikabok; pinaghihinalaang bankrupt
na ang Kodak sang-ayon sa ulat ng Wall Street
Journal, paalam sa kodakan at say cheese,
walang maibenta sa mga patent ng 131 gulang
na negosyo ng larawan; 200 milyon daw ang adik
sa ipinagbabawal sa gamot sabi ng The Lancet, hindi
pa kasama ang sa ecstacy, LSD, steroid
at resetadong gamot; sabi ni Stephen Hawking,
babae, babae ang pinakamisteryosong lalang sa uniberso,
at kailan nga ba tayo makayayapak sa Kepler 22b?;
isang 269 kilo ng tuna ang binili ng milyonaryong Hapon
na si Kiyoshi Kimura, 750, 000 U.S. Dollar ang tumbas,
sariwang himaymay ng laman sa sushing ipagpipitagan;
sa Pilipinas, inilunsad ng D.O.T. ang bagong ad campaign,
"It's More Fun In The Philippines", muli't muli lamang,
daw, ang panggagaya ng departamento, second copycat
lamang daw ng 1951 tourism campaign ng mga Swiso;
pinatay ang isang Christopher Guarin, 42, broadcast journalist,
ng mga di makikilalang salarin, ika-150 sa mahabang listahan
ng peligrosong propesyon; kaarawan ni Melchora Aquino,
dalawang daan taong pagdiriwang ng dakilang katandaan
na inialay sa gaza at betadine sa sugat at wakwak
na kalamnan ng mga Katipunero, manong isang Aquino
ang pasakit sa buhay ng mga Pilipino sa kasalukuyan?;
sa Pantukan, Compostela Valley, isang on-the-spot
kamposanto na naman ang nalikha, gumuho ang mayamang
bundok-mineral, nilamon ang mga hininga, sinampal ng mga boulders
ang mga dingding at kisame, 6-feet-or-more underground--
peek-a-boo ang nilalaro ng mga namamahinga, lupa
sa buong katawan, maalikabok na hangin, man-made landslide,
nagtatalo-talo ang mga opisyales sa opisyal
na bilang ng mga biktima,
"still counting, mga 'dre!", hangga't ang dapat
ay wala sa lapat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento