Parang patalim na humihiwa sa noo ni Jojo ang pawis na pinasibol ng matalasik na araw. Nasa gitna siya, ngayon, ng prusisyon. Daan-daan ang mga paang pumapadyak, at umaalulong sa tanghaling kalangitan ang “Aba, Ginoong Maria”. Masakit na ang ulo ni Jojo, di na niya matagalan ang init, inis at inip.
Kaninang umaga, butas-ang-bulsa, nagbakasali siyang maghanap ng trabaho. Isang taon at kalahati na siyang panis at nangangalingasaw sa kanilang dampa. Sa kolsenter siya sumubok, “Suwertehin nawa!” 'ika niya sa sarili.
Sawimpalad siyang nagmura sa hangin matapos ang apat na oras na proseso ng ganito at ganiyan. Wala nang gatas ang bunso niyang kapatid. Isa’t kalahating taon na rin itong nasasanay sa maligamgam na tubig at asin. Blangko ang isip, humagod sa mata niya ang prusisyon ng mga birhen. Sumapi siya nang walang dahilan kung bakit. Blangko ang isip.
Ngayon, masakit ang ulo, tanggap na niya ang kalugmukan. Nakatitig siya sa hapis na mukha ng Birheng Maria. Napansin niya ang magarbong suot ng babaeng imahen. Gusto niyang magmura.
Mamaya, bago umuwi, dadaan siya sa Jones Bridge. May nakapa siyang kahel na tali sa tastas na niyang bakpak. Kung bakit naroroon iyon, hindi niya alam. Napangiti siya. Naisip niya ang New Zealand, ang mga baka, ang malawak na steppe.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento