Miyerkules, Mayo 23, 2012

Seesaw

laging musmos ang puso nating
naghahanap ng liwasan

kung saan naroroon ang hilig
nating paglaruan:

magkabilang dulong upuang
pinagdurugtong ng pahalang

na tubong bakal, na idinikit-iginitna
sa isa pang bakal na nag-aangat

sa buhanginang nagsugat.
habang alalay kitang inakay sa kauupuan

at itiniyak ang kaligtasan
huwag mong alalahanin ang pag-iisa

pagkat sa paghahanap natin ng rosas
sa labi at ulirat

magkabilang-dulo tayong kakapa
ng bigat

parang pag-ibig nating hindi makangingiti
kung wala ang isang magtitiyak ng balanse.

Sapat


minsan pa, galugarin, kilanlanin natin ang sulok-sulok
                                           ng ating nauuhaw na balat,
itiyak natin, na sa gitna ng mga alinlangan at pagsubok
                             ay dalawang damdaming nasasapat.

Konsumo

ganito iyon, mag-iinat ang araw
at kakalabitin ng daliri nito
ang iyong talukap, maya-maya,
at magbabadya ang pangungumbinsi
na ito'y isang kabanata na naman, tulad
kahapon, tulad ng marami pang kahapon.
kayod-kalabaw sa sariling kalbaryo, segundo,
minuto, oras, araw, kinsenas
at sa pagpalakpak ng mga kalansing
at kindat ng mga sobre, nalalantad
ang iyong mga kahinaan--ipinauubaya
mo sa kanila ang kahulugan ng salitang... saya.
at malilimot mo ang esensya ng buhay,
na pinalalabo ng mga tarpolina at patalastas
at maghahangad ka nang higit sa sapat,
nang higit pa sa higit, nang lagpas sa nararapat.
manhid sa anumang bagabag at sarili,
alipin ng idinidiktang ikaw at ako, ng sila at tayo,
mga alipin, nakatanikala sa robotikong pagkonsumo.

Joesonghabnida

paumanhin, sa mga mumunting kamalian
na itinatambad ng nakaraan
--o mali yatang ituring na mumunti
ang nakaraang sumasakmal sa ating kasalukuyan.
sa mga sandaling nakatikom ang aking
bibig at walang maiusal maliban sa isang
mahinang musikang inaawit ng aking hininga.
habang magkatapat ang ating mga mukha--
ang labi mo sa labi ko, tungko ng ating mga ilong
ang mga noo, at lumalakad ang luha
sa aking pisngi, nakikita mo marahil
ang lambot ng kamao sa aking dibdib, paumanhin.
sa mga tanong na tinitugunan ng pananahimik,
ang kalam ng aking bulsa, sa kapayakan ng payak
kong tiwala sa lahat, paumanhin.
sa maraming pagkakataon ng pagkahuli,
sa mga sablay na kalabit ng aking dila,
sa pawis na nagtaktak sa aking kamiseta, paumanhin.
paumanhin--batid mo namang laging may puwang
ang kamalian kaya nga't may pambura ang lapis,
kaya nga't pinag-aaralan ang pagtitiis.
paumanhin, aking nag-iisang tinatangi,
paumanhin, naririto ako at hindi ka iiwan.

Pamilihan

Tinangka mong hipuin ang damo,
ang katawan ng puno, ang mga dahon
ang mga bulaklak
doon sa mumunting hardin sa gitna
ng kantina, sa loob ng mall.
Natuwa ka sa mga kayumanggi-luntiang
tila lamat
sa makintab na salamin, isang sining
ng pagkawasak.

Nang tangkain mong hipuin,
naging lamat din ang iyong labi
sa panghihinayang
sa dismaya,
at sa pagkakatanto
na ilusyon ang lahat sa loob
ng mall.

Hermit

Paano ka nila sinusukat,
Paano ka nila inuungkat?

Sa kapal o nipis ng pitaka,
Sa graduation pic ba o diploma?

Sa antas ba ng iyong tinapos,
Sa kintab at tatak ng sapatos?

Sa amoy ba ng iyong pabango,
Sa etiketa, butones ng polo?

Sa iniinom mo bang kape,
Sa pintura ng iyong kotse?

Ganyan ka ba nila dinadangkal,
Ganyan ka ba nila binubungkal?

Huwag kang mag-alaala, huwag.
Imulat mo, silang mga bulag.

Bahaghari

Isang binata sa tabi ng bintana
Na ang panlulumo’y dulot ng sinisintang
Sumama sa matandang makintab ang mustang,
Nakatitig, ngayon, sa kaitiman ng langit
Pinakikislap ng bituing pusikit
Ang kanyang paninimdim at galit.

Isang dalagang dalahin ang alaala
Ng sinintang noo’y nag-aalala
Sa kanyang dysmenorrhea tuwing may regla
Nang matikman siya’y iniwang bilasa.
Buwanang kalbaryo, puno ng panibugho,
Walang puknat na panlulumo.

Isang misis na balot ng lungkot,
Iniwan ng asawang nagsapalaot
Sa karagatan ng kaniyang kumareng kuripot,
Na inakala niyang katiwala-tiwala,
Ninang pa naman ng kanyang pangalawa,
Anong pasakit ang pangangaliwa.

Isang mister na lukob ng misteryo,
Bunso’y di kamukha at paanong naging tao
Gayong huling halikan nila ni misis
Isang dekada nang baldado’t iniipis
At malimit na rin ang mga pagtatalo,
Anong saklap ang maiputan sa ulo.

Sala-salabat na batas ng pag-ibig,
Masalimuot na hantunga’y pananalig
Sa relihiyon ng pag-iisa, inis at galit.
Sala sa lamig, sala rin sa init,
Wala talagang makapagsasabi
Kung pagtapos ng ula’y isa ngang bahaghari.

Isang Paglilinaw

Wala nang dapat pang liwanagin
Pagkat malinaw naman ang lahat.

Halimbawa, ang pagbabantay ng aso
Sa tarangkahan. Na handang sumagpang
Ng magnanakaw at kriminal, malinaw
Ang paglilingkod.
Ang langgam na tumutunton sa paruruonan
Sa tiwala ng kapwa-langgam na sinusundan
At bitbit ang butil ng asukal, ihahandog
Sa reyna ng kolonya, malinaw
Ang katapatan.
Tulad ng ibong nag-aalay ng sarili
Sa nag- iisa at kanyang tinatangi,
At kung sakaling mamaalam ang sinisinta,
Walang maliw at buong puso pa rin ang pagsamba,
Malinaw
Ang pag-ibig.

At wala, wala nang dapat liwanagin
Sa pagitan ng ating mga damdamin
Pagkat malinaw naman ang lahat, lahat sa atin.

Talon

Alam ko namang gusto lamang
Takpan ng ulan ang iyong pag-iyak,
Habang magkasukob tayo sa maliit
Na payong, at ang posteng-ilaw
Na naghahasik ng kahel na liwanag--
Inilalarawan ang mukha ng mga butil-ulan,
Iginuguhit ang ating mga anino sa basang daan—
Ay tila mata ng pasakit
Na ayaw kang alisan ng titig.
Hayaan mo sanang tulad ng payong,
Sukuban kita ng aking mga bisig at ang luha
Sa umbok ng iyong pisngi
Ay palisin ng aking palad.
Tulad ngayong pinagsasanib tayo ng ulan,
Na di matigil tulad ng iyong mga luha.
Hayaan mong ilayo kita sa iyong paninimdim.

Huwebes, Mayo 10, 2012

Paglalako


paglalako ng              bungo
                   ang      tinatawag
na panitik               an
bungkos ng mga salitang         nakalatag
       sa talipapa         ng         mga katwiran
isang        kilo ng protesta
               isasabit sa       kawalan
kung hindi            ilalako
                  naghihintay ang ka   mata    yan
bagamat sa        lupa       humahantong
             anumang      kabuluhan
suki       ang          intelektwal
        na handang ataduhin      ang kalamnan
ng mga prosa, imahen o tugmaan
            bulto-bultong                 bungo
sa          talipapa              ng katwiran
         mga langaw         na lumalapit
masang         walang     maisubo
       pinagkakaitang makakain
            dahil wala ni                      sensilyo.

Paliwanag

sa ibabaw ng lupa, mga paa
sa ibabaw ng paa, mga tuhod
sa ibabaw ng tuhod, langit

sa ibabaw ng langit, tiyan

sa loob ng tiyan, uniberso

walang ibabaw at walang loob;
nakapalibot sa uniberso,

himala

sa loob ng himala, alinlangan
sa ibabaw ng alinlangan, katwiran
sa loob at labas ng

katwiran

mga paang naglalakad sa kalupaan.

Pahalang


wala
nang
mas
gaganda
marahil,
sa
isang
diretsong
linya
tulad
ng
nakalatag
na
karagatan--
isang
guhit
tagpuan
o
tulad
ng
nakahigang
palito
ng
posporo
o
nakahigang
aklat

kaya
nang
tangkain
kong
gumuhit
hindi
ko
piniling
hanguan
ang
bulaklak
kundi
ang
isang
nakahandusay
na
bangkay
sa
lupa

na
malayo
kong
tinanaw

bangkaybangkaybangkaybangkaybangkaybangkaybangkay

hindi
itong


    laklak     bulak
bu         lak         lak
bu         lak         lak
    laklak bu bulak
         bulaklak bulaklak bulak
    laklak bu bulak               bula
bu         lak         lak              klak
bu         lak         lak                bula
    laklak     bulak                      klak     
                                                 bula
                                                   klak.

Sa Di Magtugmang Naisin Na Kumikitil Ng Damdamin

namamagitan sa atin ang lupa
at dagat. maging mga bundok
at ulan, ngunit hindi ang araw
o ang buwan. kung bakit

kailangan nating humantong
sa ganitong hantungan, na
parang punong nilalagasan
ng dahon ang ating nakaraan

kahit hindi taglagas, kung bakit
kinakatas ng milya-milyang
pagitan ang mga damdamin, kung
bakit naglalaho ang mga kislap

ng mga bituin at ang mga ambisyon
at hangarin ay parang barikadang
hindi tayo bibigyan ng pagkakataon
na maintindihan ang isa't isa

kung bakit humahantong sa kawalan
ang mga paglalakbay, at hindi
nagtutugma ang payak na kagustuhan
sa magarbong hain ng kinabukasan

may sugat na umuusbong sa ilalim
ng balat, hindi nailalantad ng liwanag
hindi nailalantad ng mga salita at tula
kung dito humahantong ang kabuluhan

hayaang manatili ang pananatili
kahit kastilyong likha sa hangin ang hangarin
kung bakit ganito ang hantungan
ng mga hantungan, tiyak na di natin

alam, maliban sa wala na nga tayong
pagitan, wala nang namamagitan
dahil inalisan na tayo ng karapatan
ng ating di na magtutugmang kagustuhan.

(kay R.T. at R.C.)

Espongha

ang pumipiga sa iyo'y labas
sa iyong kapasidad, maaring
kamay ng makalinga o bastar-

dong daliri ng isang kriminal.
kung paano mong sinipsip-higop
ang agwang nagsambulat sa sahig,

ikaw lamang ang nakaaalam,
ikaw at ang kabuuan mong ti-
la pinagkaitan ng paglala-

had. kontrolado ng kaligiran,
hawak-sa-leeg ng estranghero,
walang puwang ang iyong sarili

dahil wala kang sarili, wala.

Kaligayahan

Maaga pa at napakadilim sa labas.
Malapit ako sa bintana, nagkakape
at ang lagi't laging mga bagay,
uma-umaga, na iniisip, naglalaho.

Nang makita ko, isang batang lalaki
at ang kaniyang kaibigan, naglalakad sa daan
upang maghatid ng mga diyaryo.

Nakasumbrero sila't panlamig, at ang isa,
may kustal sa kaniyang balikat.
Napakasaya nila
bagama't di sila nag-uusap, itong mga bata.

Kung magagawa nila, iniiisip kong
hahagkan nila ang bawat isa.
Napakaaga pa,
at ito ang kanilang ginagawa.

Marahan silang maghatid.
Papasikat na ang araw
bagamat nakabitin pa rin ang buwan sa ibabaw
ng ilog.

Napakagandang pagmasdan
ng ganitong sandali
di makapapasok ang hangarin, pag-ibig
maging kamatayan.

Kaligayahan. Dumarating ito
nang biglaan. At pumaparoon, oo,
sa anumang umagang pag-uusapan ito.

(halaw sa Happiness ni Raymond Carver)

Ang Buwan, Mga Bituin At Ang Mundo

Isang mahabang paglalakad kung gabi--
iyon ang mabuti sa kaluluwa:
sisilip sa mga bintana
tatanawin ang pagod na maybahay
sinisikap makipagbuno, makipag-away
sa lango-sa-alak na kabiyak.

(halaw sa And The Moon And The Stars And The World ni Charles Bukowski)

Iyong Nakukuha Mo Pa Ring Ngumiti

iyong nakukuha mo pa ring ngumiti
kahit sumasaklob sa iyo ang alimuom

at alimpuyo, ng lupa at bagyo.
kahit nangingitim ang langit at nagbabanta

ang isang mahabang gabi, naiguguhit
mo pa rin ang isang matimping labi.

iyong nakukuha mo pa ring ngumiti
kahit kalansing lamang ng iilang barya

sa walang-lalim mong bulsa,
ang ulam at takam ng butas na sikmura.

kahit walang dahon ang puno,
walang bunga at anino, nakukuha mo

pa ring yumakap sa gasgas nitong
katawan at di ka naghahanap ng katwiran

sa salimuot ng marami mong kawalan.
iyong nakukuha mo pa ring ngumiti

kahit sintunado ang awitin sa kabilang kanto
at nagtatakbuhan sa lansangan

uhuging mga batang walang tiyak na kinabukasan.
kahit sagad na ang pasakit ng araw-araw

na pagkahig at walang katapusang pananalig
na darating din ang hinihiling na ayskrim at pinipig.

iyong nakukuha mo pa ring ngumiti
kahit nagngingitngit ang sanlibutan

sa init, sa balakubak ng nagbakbak na anit
at palpak na serbisyo ng manhid/ganid na gobyerno.

kahit karaniwan pa sa karaniwan ang pagmamaktol
ng kapalaran at walang maisukli sa iyo

ang paniniwala at silid-aklatan, kahit punit
ang kumot at libagin ang kobre-kama,

kahit dasal yata ay pinagdadamutan ka ng tiwala,
iyong nakukuha mo pa ring ngumiti

sa kabila ng lahat, dahil wala ka namang hangad
kundi isang payak na guhit sa makalyong palad

at alam mong wala naman sa materyal
ang kasapatan; wala ka namang interes sa ideyal.

iyong nakukuha mo pa ring ngitian ang simangot
ng mundo, kahit tuyo ang iyong labi at bungi

ang pagkatao.

Habang Pinagmamasdan Ang Punong Di Alam Ang Ngalan

pinitpit na mga tanso,
pustura't kulay ng mga dahon
ng punong di ko alam ang ngalan.

nagsasalit
sa luntiang mga dahong
tantiya ko'y bagong usbong.

mayabang sa pagkakakapit
ang mga lunti, samantalang
nangangalaglag ang mga tansuin

sa ragasa ng hangin;
parang buhay, isang paligsahan.
naisip ko lamang kung alin at sino

ang hinirang--ang mapalad;
ang nauna o naiwan
o ang punong huhubaran

ng taglagas.

Pahinga

may araw at walang init
may ulan at walang hangin

parang pagsuyong walang puso...

namahinga sa silong ng panahon.

(kay M.Y. at T.J.)

Kalupaan

at naglayag ang mga pakpak
sa puyo ng ulap,
kumampay sa lawak
ng mabulak na alapaap.
gatuldok ang kalawanging
mga bubong
nakahanay ang kalbong
kabundukan.
narito, ito na nga,
ang tinatangi kong
kalupaan.

Sa Mga Nahuhumaling Sa Buwan At Bituin

binabalaan kitang mapanlinlang ang kalawakan:
ang bukbok ng buwan,
bilyong bituin at uniberso.
alam mo bang nananalamin ka
lang kung tumitingala
at hinaharap ang malawak na kawalan
sa ituktok ng iyong ulo?
ilan na bang humihinga
ang nakarating sa madilim na patlang?
ilan na rin ang sinawing di nakabalik
tulad ng mga desaparecido't binarang?
magtitiwala ka ba sa mga larawan
sa inaantok mong aklat
ng siyensiya at astrolohiyang hanggang
tanaw lamang
ang totoo?
ang unang tapak sa mukha ng luna,
sinong nagbabandila?
bakit hindi na nasundan
ng kaalitang bansa?
at sinong mga dakila
ang naglalantad ng katiyakan
sa mga kaalamang isinuksok sa iyo
ng edukasyong dispalinghado?
halimaw nga raw ang nababaliw
sa bilog na buwan
o naglalabasan ang mga elemental
tulad mga aswang at diwata.
hinahatak ang karagatan,
nalulunod ang kalupaan
may mga namamatay sa panlalansi
ng mga bituin.
binabalaan kitang mapanlinlang ang kalawakan
at hindi lahat ng iyong nakikita'y reyalidad
at may katuturan.
ikaw na nahuhumaling sa laksang bituin
at malungkot na buwan
pakiramdaman
ang tendensiya ng naghihintay na kabaliwan

May Ginhawa Ang BUhay

araw-araw, gumigising tayo sa bulahaw
ng maingay na orasan at sa tilaok
ng humihikab pang manok. ihahapag
sa salamin ang nagmumuta pa nating
mga mata, binagyong buhok at nanu-
nuyong laway sa gilid ng labi. nanggagalaiti,
ipagpapasasabon natin ang libag ng kahapon
sa singit-singit, sulok-sulok at kili-kili. ipagsasabula
ang alikabok na namahay sa anit at buhok.
isang tasang kape sa malungkot na dila,
masuwerte kung may pandesal sa mesa
at mantikilya o kesong tingi sa lumang panaderya.
ihahanda natin ang kurbata kung malaking kumpanya
ang bukal ng kita sa anim na buwang kontrata.
ihahanda natin ang bimpo, ang malamig na tubig
sa boteng nagyeyelo, kung sa tiyaga ng pawis
at sikap ng pagod humahakot ng ulam
ang sikmurang nating namamanhid sa dusa at kalam.
ilalako natin ang sarili sa pangakong pag-unlad,
garantiya ng kapwa o paalaala ng tinatamad.
pasasaan ba't naghihintay ang ginhawa
sa di matapos-tapos na bukas-o-makalawa.

Gumamela

naabutan kong sumasayaw sa hangin
ang nalaglag na dahon ng gumamela--
sumayaw at dahan-dahan, parang
pusang nag-aabang ng masisila, na
humalik sa lupa.

ganito kita naiisip kapag walang anu-
anong pumapasok ang bagabag; kung
kumusta ka na at may sapin ba ang iyong
likod, kung nasa tamang oras ba
ang iyong pagkain.

ikaw ang bulaklak ng gumamelang
nananatili sa tangkay nito, at ang dahon
ay mga bagabag na pinapatawan ng
hangin/panahon, at ako ang lupa
na sasalo sa iyong pagkahulog.

Post Office At Si Boni

Lagi nang gabi (mag-a-alas dose o lagpas nang alas-dose) ang uwi ni Billy nitong mga nakaraang linggo. Lagi na kasing overtime ang trabaho nila sa Post Office (iyong nakaharap sa Liwasang Bonifacio at nakatalikod sa Ilog Pasig na tumutunton naman sa Manila Bay) dahil kailangan na nilang ayusin at iempake, itapon at piliin ang napakaraming mga sulat-koreo. Uumpisahan na kasi sa Hunyo ang pagko-convert ng makasaysayang gusali patungo sa isang magarbong hotel.

Nang ipamalita sa kanilang mga empleyado ang desisyon na iyon ng kanilang admin, di na siya nag-react. Naisaloob na lang niya na mas mainam siguro kung di na siya magsasalita, wala rin namang mangyayari.

Sa totoo lang, isa siya sa masugid na tagahanga at humahanga sa gusaling iyon ng Post Office. Alam niya ang kasaysayan ng gusali, ang pinagdaanan at kung anu-ano pa. Kaya nga nang marinig niya ang balita, gusto niyang magmura, iyong pagkalakas-lakas at wala na siyang pakialam kung tanggalin siya sa trabaho. Pero hindi niya ginawa.

Frustrated architect kasi siya at isa ang gusali ng Post Office sa paborito niyang design ng mga gusali sa Maynila. Gusto niya rin iyong lumang Luneta Hotel sa kanto ng Kalaw at Roxas Boulevard. Naibulalas pa nga niya kay Maricorn, iyong katrabaho niyang lagi niyang nakakausap, na bakit di na lang iyon ang i-upgrade. Hotel sa hotel, walang talo.

Kaya ngayong halos isang buwan na lang bago ang pag-alis nila sa lumang gusali, mas nararamdaman niya ang kalungkutan. Ayaw niyang maging hotel ito. Mas mainam pa kung gawing opisina ng gobyerno o gawing museo, huwag lang hotel. Ilalayo lang ito sa mga tao, sa mga taong katulad niya na walang pera pero nakararanas makatapak makasaysayang gusali. Ni hindi nga kasi siya nakakapasok sa CCP at National Museum, wala kasi siyang pang-entrance at kulang pa nga ang sahod niya bilang maintenance sa Post Office sa pangkain nilang mag-iina. Noong minsan ngang madaan siya sa Shangrila sa gilid ng Megamall, nang sumilip siya sa entrada ng tarangkahan e parang langaw siyang binugaw ng mga sekyu. Paano pa kung maging Fullerton Hotel ang Post Office na ilang taon din niyang naging pangalawang bahay? Malamang sa malayo na lang niya ito mapagmamasdan.

Kaya nga kada uwi niya nitong mga nagdaang linggo, tumatambay muna siya sa hagdan sa entrada ng Post Office, doon sa puwesto na natatanaw niya si Bonifacio at ang orasan ng City Hall. Doon muna siya magpapalipas ng pagod. At nakakatulog siya panandali.

Pero iba ang gabi ngayon, nakita niyang bumaba sa pedestal si Bonifacio. Sinampal niya ang sarili; hindi siya nanaginip. Sa malayo, naka-istak sa alas-dose ang mga kamay ng orasan ng City Hall. Napatayo siya at nagtago sa poste, parang walang tao sa paligid, pansin niya.

Malalaki ang hakbang ni Bonifacio, papalapit ito sa fountain, nag-indian sit na nakaharap sa Post Office. Nakatingin lang ito kabuuan ng Post Office. Alam niyang si Bonifacio iyon. Hindi siya nagkakamali.

Nang muli niyang tingnan ang orasan ng City Hall, nasa alas-dose kinse na ang mga kamay nito. Bumaling siya sa pinagkakaupuan ni Bonifacio sa fountain, wala na ito. Bumaling siya sa maliit nitong monumento, naroroon na ito, nakatalikod, nakatindig tulad sa nakagawiang tindig nito.

Naniniwala siyang si Bonifacio nga iyon. Hindi siya lolokohin ng kanyang paningin.

Umuwi siyang kakaunti lang ang tao sa paligid.

Nang pumasok siya kiinaumagahan, nagpaskil siya ng mga coupon bond sa mga poste, pader at gate ng Post Office na nasusulatan ng ganito: "Pag-aari ng mamamayan ang gusaling ito. Huwag hayaang ibenta sa mga diyos ng kapital at tubo!"

Sigasig


minsan, tinututulan mong tanggapin
ang katanggap-tanggap. halimbawa

ang pagtanda.

pilit mong itinatago ang kulubot sa
iyong noo, ang napapanot mong 
                      puyo.
ang gatla sa gilid ng iyong labi,
nanlalabong mga mata, humihinang
pandinig.

masigasig ka pang kumakain ng balot
gabi-gabi. ayaw mong tanggapin
na pumapanaw na ang lakas sa iyong
                       tuhod,
at oo, hindi na kailanman titindig
ang iyong dibdib, o sasaludo
ang iyong 
               prinsipyo.

madalas ang pagbisita ng mga nalusaw
na gunita pero madalas din ang pamamalaam
ng mga alaala. mas madalas ang pangangarap
ngunit madalas din ang pagkakadapa
sa mga hinayang at sana.

ang pagtanda,

ay di mo kailan man tatanggapin
        dahil bata
pa ang iyong mga hangarin
at kaakbay nito
ang kamataya't paninimdim.

Kaangkupan

ipinagtataka niya ang kasalukuyan
gayong nalalapit na ang huling tuldok
sa mga talata ng kanyang paghinga

namukadkad ang mga rosas na huli
niyang namasdan noong kasibulan
ng kanyang nakaraan, natatangi
ang bughaw na langit na tila ba
umaawit ang mga kerubin sa pisngi
ng ulap,

nakayukong magsasaka ang tindig
ng mga uhay ng palay, ginintuang
nakalatag sa kaparangang tila banig
na sinabuyan ng pinulbos na ginto,
nakangiti ang mga mirasol kaharap
ang nakangiti ring araw, walang
lagnat ang hangin, nababasag ang ulap
sa marahang paraan na hindi lumilikha
ng kulog,

kung umuulan nag-aawitan
ang mga palaka at magalak sa pag-indak
ang mga punong kawayan, parang
kumukuha ng larawan ang kidlat;
hindi mapagngalit na pumupunit
sa langit nang biglaan, hindi siya nito
ginugulat, kalatukan ng mga gong
ang katok ng ulan
sa kalawangin niyang bubong,

mas mabango ang kumot kesa noon
kahit burdado na ito ng lungkot
at pangungulila, ang unan,
mas malambot kaysa noong tila
bato itong ipinupukol sa kanyang ulo
kung nagigising, mas mainit ang kape,
mas malinamnam ang pandesal,

talagang ipinagtataka niya ang kasalukuyan
gayong nalalapit na ang huling tuldok
sa mga talata ng kanyang paghinga

anong mayroon ang kasalukuyan
at iginagawad sa kanya ang taimtim
na milagro ng paligid, gayong nalalapit
na ang huling tuldok sa mga talata
ng kanyang paghinga? tila mahirap
magpaalam sa mundong nagbabagong
hubog, napakahirap

tatlong araw, nang maituldok sa huling
salita, sa huling talata ang huling tuldok
ng kanyang paghinga,

sumiklab ang digmaan, naluoy ang mirasol,
tinik ang natira sa mga rosas, bumagyo,
nangitim ang mga ulap, mabagsik
ang hampas ng hangin, naglundo ang bubong,
napunit ang kumot at unan, hindi umaso
ang kape, nalaglag ang pandesal sa natigang
na lupang dati niyang kinalinga.

(inspirado sa A Felicitous Life ni Czeslaw Milosz)

Araw

may araw at walang hangin
walang hangin at may ulap
may ulap at walang lilim
walang lilim at may araw

may araw at walang buwan
walang buwan at may taon
may taon at walang panahon
walang panahon at may araw

walang araw at may hangin
may hangin at walang ulap
walang ulap at may lilim
may lilim at walang araw

walang araw at may buwan
may buwan at walang tao
walang tao at may pag-ahon
may pag-ahon ngunit walang araw.

Martes, Mayo 1, 2012

Pasumala

pasasaan ba ang kahulugan
kung kinukumutan
ng malabnaw na reyalidad?
paano lumalabnaw ang reyalidad?
kung matatagpuan ang kahulugan,
anong garantiyang ito ang ito?

kaninong boses ang bumubulong
sa bubong ng iyong bungo--
hindi maaaring iyo, pagkat ikaw
na rin ang nagsabing mas matino
ka pa sa pilosopiya at tendensiya
ng kabaliwan.
kung kailan nababaliw ang tao
doon lumalantad ang kasagutan.
bakit hindi nakapagdadamit
ang baliw sa kanto ng Avenida at Recto?
naglalaba nang walang tubig
sa tapat ng Nova Royal Mall
ang babaing blangko ang balintataw.
kaninong boses ang dapat
pakinggan? halos isandaang taon
ang nakaraan bago nagsatao
ang sangkatauhan. pero ano
nga ba ang tao?

naglalaro ng kunsaan ang kahulugan--
maaaring naghihintay lamang ng tapik
sa balikat o matagal nang pinatulog
ng pagkabagot.
bago mo sabihin sa akin
ang iyong mga tuklas,
ituro mo muna, sana,
kung sino ang dapat kong paniwalaan.
ibulong mo lamang nang marahan.

Sa Unang Ulan Sa Unang Araw Ng Mayo

hindi nagtago ang mga ibon
sa butas ng malalaking sanga
nagalak ang mga bubong
sa haplos ng ragasang ulan
sa kanilang mga tadyang
mas masigabo ang sayawan
ng mga dahon
sumakay sa agos
sa kanal
ang mga langgam at ipis
naghubaran ng salawal
at sando
ang mga bata, nagtampisaw
sa malaking butas ng aspaltadong
daan
natigil ang huntahan ng nagkukutuhan;
naglabas ng mga timba't batsa,
nagtago ng mga sinampay
hindi bumuka ang mga payong
nagngitian ang mga labi
nalungkot ang pawis at nilalagnat
na hangin
musika ang tikatik ng ulan
sa unang araw ng Mayo
hindi bubog ang mga patak
kundi diyamanteng ihihiwa
sa umaasong katawan.

M.U. (2)

ipinagtataka ko talaga kung may "u"
ang salitang labor at parehas ba ang labor
day ng isang ina sa ospital ng Fabella
sa labor day ng mga manggagawa
sa buong mundo. May 1 kung konektado
talaga ang mga ito sa isa't isa at ano
nga bang etymology ng labor?

labor, labeur, laborem, laber,
laborare, laborer.
to plow, mag-araro; to endure pain,
indahin ang sakit. masakit ang puwertang
magluluwal ng sanggol; ang kalamnan
ng kargador, nanalaktak sa pawis
at umiinda ng kapagalan; inaararo
ang kabukiran para sa kanin sa kaldero.

unang Lunes ng Setyembre ang araw
ng mga manggagawa at paggawa sa
Estados Unidos. pa-unique lang ba o
ayaw makisabay sa Internasyonalismo,
sa kanila na ang dahilan ng kanilang
pananarili.

basta ngayong nilalagnat ang paligid
at nagtutuldukan ang mga pawis sa noo
ng Nanay kong nagluluto ng pananghalian,
ngayong nasa likod ng manibela at kambyo
ang Tatay kong operator sa pantalan,
ngayong batbat sa paperworks si utol,
ngayong nagkakandabuhul-buhol
ang mga kamao at bisig sa Mendiola,
ipinagpupugay ko ang lagpas isang siglong
pagpupunyagi ng mga manggagawa;
etemolohiyang naghahabi ng kasaysayan,
wala sa salita kundi sa gawa.

M.U.

at dahil lakas-paggawa
ang bumubuhay sa ating lahat
sa ating lahat na ngumangawa
kapag walang load ang cp
o walang pang-coffee
at dahil lakas-paggawa
ang bumubuhay sa ating lahat
manong hayaan silang
magmartsa at igiit ang kasaysayang
sila ang magtatakda.

Limang Taon Na, Jonas


limang taon na Jonas

at wala pa rin ni bakas
                    ng iyong yapak

kung kailan ka lalantad
         o illalantad

makapaghihintay kaming 
     naghahanap

kaming limang taon nang 
           may bakanteng plato
at baso, kutsara at tinidor
            puwang sa malungkot
na upuan
sa hapag ng katarungan

kung sakaling bukas
       ay magbalik at ibalik ka
buto man o payat na binaliw
magsasalo tayo, Jonas
        habang nililitis ang mga 
                   berdugo.

Kay Arnel

Arnel, ang huling pukpok ng maso
sa malungkot na pader ng talipapa
ng Silverio Compound,
ang huling tipak ng batong
sasapul sa truncheon ng powertrip
na mga pulis,
ang huling molotov na sasabog
sa bulto ng warheaded na SWAT ,
ang huling balang lilipad at tutunton
sa walang kinalaman,
ang huling piglas ng galit na kamaong
tumutuldok sa hangin,
ang huling suntok sa karapatan
mong garantiyahan ng katiyakan
sa kabuhayan at tirahan,
ang huling kadyot sa pambubusabos
sa tulad mong naghahanap ng puwang
sa tuwid na daan,
ang huling hampas ng yantok,
ang huling patak ng firehose, ang huling
tagas ng teargas, ang mga sapak at tadyak
ang yamot, ang inis, ang lahat-lahat
sa kahuli-hulihan ay umpisa
ng mas matindi pang laban.

Arnel, hindi sa gutter ng center island
nagtatapos ang lahat.
hindi sa balang nagmumula sa kanila,
kung hindi sa atin.

Nang Umakyat Ka Sa Sanga Ng Mabulas Na Punong Mangga

nang apakan mo ang sangang mas payat
pa sa braso ng payat na pulubing namamalimos
sa plaza ng Pozorubio
ng punong manggang sampung palapag
ang taas, parang dagang nagpupumiglas
ang kabog sa aking dibdib. paano
kung sa isang ihip ng hangin, pumitik
ang sanga at kisap-
mata, lalapitan kitang bali ang tadyang,
ang balakang, basag ang bungo, tumikwas
ang binti? mapait pa sa pawis na nananalaktak
sa mga gatla ng aking noo
ang damdaming gustong tumakas.
mas malakas pa yata ang loob mo
sa leon na nag-aabang ng masisila
sa harap ng mangangaso.
mas matapang ka pa marahil
sa pusang maglilipat bubong
upang manguha ng tinik.
wala kang takot sa mga tikbalang at tiktik
o sa makating mga hantik.
tila ka diwata sa pagitan ng mga dahon at bunga
nang apakan mo ang sanga
at umihip ang hangin.
gusto kong lumuhod
at dumalangin
na matatag nawa
ang sanga
tulad ng
pag-ibig
nating
dalawa.

Unan


Malungkot
Isiping nag-iisa ka
Sa mga gabing gusto mo
Ng kamay na nakapatong
Sa iyong dibdib

Bagamat
               Pinakamalungkot

Ang kamay na iyon
Na hinahanap ka, at di mapagkatulog
Pagkat walang silbi ang kanyang
Mga kamay
Na nakatanday lamang
Sa walang init na unan
Sa walang hiningang unan.

Ganyan Naman Ang Tula

Ganyan naman ang tula
Pinaaasa sa metapora,
Sa pagsasatao, paghahambing,
Sa lirika, sa sukat at tugma
Ang salita.

Ganyan naman ang tula
Nang minsang madulas ang pusa
Sinabing hindi ito mamamatay
Sa sagasa. Sa tinik ng isda,
Hindi natutulaan ang tinik
Ng isda
At ang nadulas na pusa
Sa gilid ng umaatras na L300.
May tula tungkol sa Siberian husky
Na mahal na mahal ng amo.
Wala sa pusang nag-landing
Sa kalawanging bubong.

Ganyan naman ang tula
Dinadaan-daanan ang may marasmus,
Ang bulag na di marunong magmasahe
O maggitara,
O ang magkakaibigang sign language
Ang tawanan.
Hindi natutulaan ang kapansanan
Maliban kung malapit sa kamatayan
Na siyempre
Paboritong tulaan ng mga poet;
Ang eksistensya.

Ganyan naman ang tula
Malambing ang buwan, matapang
Ang araw. Ang bituin, hindi naman bubog
Kundi diyamante. Ang hangin, humahaplos
At di nananapak. Ang puno, ang dahon
Ang bulaklak
Pinakamasarap kung bumabalik sa nagdaan.
Hindi katula-tula ang basura,
Ang nakatambak na sirang sopa
Sa gutter. Ang plastik ng Mentos
Sa bunganga ng imburnal.
Walang tula sa basura.

Ganyan naman ang tula
Ang prosti, palabok sa obscenity.
Ang pulubi, para malasahan ang pakla
Ng siyudad. Ang tindero ng balut,
Insider. Ang holdaper, holdaper.
Ang gabi, madilim at ang umaga ay pag-asa.
Poverty porn star ang nagbabandila
Ng reyalidad. Propagandista at hindi makata
Ang nagtutula ng protesta. Awardee ang nagbabandera
Sa pormalidad, ng pormalidad at nagpapanata
Sa ruler
At protractor
Ng tradisyon at modernidad.

Mula’t mula nang sakalin
Sa pamantayan ng aklat at unibersidad,
Ganyan naman
Na
Ang tula
Ganyan naman ang tula,
Nila.
Ganyan sila sa tula.

Tahimik Ang Gabi At Walang Tula

Tahimik ang gabi at walang tulang
Gustong makipagtalik sa akin.

Ilang araw, mag-iisang linggo na marahil,
Nang huli akong dalawin ng libog, ng tula.

Pinagmamasdan ko ang dilaw na kurtina
Na ayaw yatang tabihan ng hangin.
Parang tuod na sinampay, hinayaang matuyo
Hanggang sa kalimutan
Maging ng araw, maging ng buwan.
Ayaw akong dalawin ng tula, marahil
Galit sa akin
Dahil ang huling dalaw niya’y kinutya ko
Ng kahindian.

Hindi ako makata,
At hindi kailanman magiging isa.

Magsisisi ba ako kung di
Na niya ako dalawin at iwan ang matatamis
Na alaala, tulad ng mga gabing
Tulad nito, tila sementeryo ang paligid
Sa lason ng katahimikan?

Siguro’y hindi.

Sa mga gabing tulad nito,
Siya ang kumakalabit sa akin
Kapag nagsawa na akong hintayin
Ang kanyang pagdating.

Hindi Ako Makata

hindi ako makata, huwag mong tingalain
ang hinabi kong mga salita. ako'y salamin
lamang, repleksyon ng hindi mo makita o
ayaw mong tanggapin, suriin at madama.

halimbawa, tinitigan mo na ba ang mukha
ng kambing? wala ka bang nakita sa balbas,
sa matindig na sungay, sa matang duling?
ang buwan, nakita mo ba sa pisngi
nito, ang mukha ni kristo? kailan naging
magkawangis ang mirasol at araw? kailan
ka nakita ng puting ng kalabaw?

halimbawa, naamoy mo na ba ang pawis
ng kargador? ng pulubi, ng estapador?
paano mo mapag-iiba ang amoy ng gumamela
sa amoy ng santan? alam mo bang maasim
ang samyo ng nabasag na kalawang?
nagbababala ang alimuom, mas mabagsik
ang naptalina. umaaso ang kape, anong
lasa ng timpla?

halimbawa, mapait ang pusong nabiyak at biniyak.
nalasahan mo na ang luha at pag-iyak? matamis
daw ang unang halik? natikman mo na ba
ang isang naghihilik? mapakla ang hilaw na ampalaya,
mapait ang hinog na patola. nakatikim ka na ba
ng kinse anyos? maasim ang bunga ng padalos-
dalos.

halimbawa, musika ang is-is ng ahas, sayaw
ng kawayan, pagbagsak ng bunga ng mangga
at papaya, ang tikatik ng malambing na ulan. narinig
mo na ba ang awit ng katahimikan? ang kapayapaan
sa gitna ng kaguluhan? may sukat at ritmo ang tibok
ng iyong puso, umiiba ng tono depende
sa puyo.

halimbawa, ikaw ang langgam na tatapaktapakan,
ikaw ang punong kikitlan ng kakisigan, ang rosas
na aalisan ng tinik, nililigawang pagdadamutan ng
kilig. anong pakiramdam kung maligaw sa sukal
at ni anino ng ulap ay walang hatid na lingap?
naramdaman mo na ba ang galak at takot, lungkot
at ligalig sa talim ng gulok?

hindi ako makata, at hindi ako tula. hindi makata-
rungang tawaging isa. hindi ako makata, ikaw
ang humahabi, nagpapasya ng binalangkas kong salita.

hindi ako makata, at huwag kang mag-alala,
sa pagitan natin, walang pagitan kundi alaala.

Fine Trees

ganito ka nila nilansi:
habang taimtim mong
inaantabayanan kung
tatama nga ba sa bansa
ang rocket launching
ng Hilagang Korea,
nakalapag na ang bota
ng bagong tropa ng Amerika.
habang nagninilay ka pa't
may hangover ng Kuwaresma,
habang nagbababaan
ang nilimliman mo't nagpanata,
habang wala kang muwang,
habang meron pang puwang--
ibinalangkas na ang balak,
matatalas na mga tabak--
kagabi
isa-isa kayong nilagari.

Paano Kakakusapin Ang Talampakan?

paano kakausapin ang talampakan
kung hapit sa lakad at ayaw panawan
ng atubili?

wala itong pakialam sa lawit na dila,
sa tagaktak ng pawis na kumislap-mawala
sa dugyot na hapit ng nangutim na kamiseta
sa laglag ng balikat, sa tirik na mata
tugunan lamang ang kati't pagnanasa
na tuntunin ang bakas

ng iyong hininga.

nariyan ka ba sa bitak ng pader
o sa gilid ng bangketa, sa daster
ng aleng tila wala yatang mukha?
nariyan ka ba sa butil ng asukal
ng bananakyu o sa mata ng bangaw
na tinampal ng dalaga? naririyan
ka ba, naririyan ka ba?

paano kakausapin ang talampakan
at sasabihing milya-milya ang pagitan
ng ating panambitan?

Kakistokrasya

dito sa perlas ng silangan, makinang ang pakinabang
ng mga opisyal na inihalal

--di matapos ang paperworks
ng pangulong thumbs up sa VFA pero no comment sa OPH.
retorikang umaatikabo ng matatalinong? senador sa isyu
condo-freak, nasasakdal na huwes. tagapayong kargado
ng mga advice na straight from/for the west--turn na
ng gabineteng committed sa family interest, mga kinatawang
sabi nga ni Dong "mas maraming absent kesa sa present, "
embahador na well-traveled around the world gamit
ang ating buwis, heneral na bihasa sa psy-war, torture
at conspiracies, pulis na drug-dealer, underground
economy protector at suki ng burlesk, government employee
na undertime kung umuwi, maasikaso-kung-may-money
na government agency--

dito sa perlas ng silangan, makinang
ang kakistokrasya, naihahalal, tina'tanga'ng'kilik ang
pinakamasasama.

Aytinkayshalnebersi

they took all the trees, and put 'em in a tree museum
and they charged the people a dollar and a half to see 'em..
--Joni Mitchel, Big Yellow Taxi

sinabi ni Joyce Kilmer, hangal ang gumagawa ng tula
at ang puno'y gawa ng Lumikha. pero walang paki
ang Lumikha sa prinsipyo ng profit; kamay ng bilyonaryo
ang hahatol sa mabulas na puno--dumarami
ang mga sasakyan at walang mapaglagyan;
laos na ang Luneta at Burnham Park, trending
ang SM nationwide. anong silbi ng punong kailangan
pang i-groom? shade? oxygen? kumpleto n'yan sa mall.

sa panahon ng global warming, wala nang pakinabang
ang puno. sementado na ang lupa kaya't di
na magiging pataba ang nalantang mga dahon.
ang troso'y ipanghahaligi, baston ng mga donya't don
ang mga sanga; mamalimos na lang ang pilay sa
bangketa. at sa malao't madali, naka-museo nang
mga tree, gustong mag-ukit ng puso? i-post mo na lang
sa FB.

Salimbayan

hindi ko na mapag-iba ang init at lamig
pareho na silang sumisigid sa aking buto
tulad nang di ko na mapag-iba, pananabik
at pangungulila, araw at gabi, sa iyo.

Elehiya Sa Kalawang Ng Tabak


Panginoon, nangangalawang na ang tabak;
            ilang dekada ko na ring di naipadidila
talim nitong dapat sana'y sa dibdib ng tubo
             nananagana.
Nangangalawang na, Panginoon ko, pagkat
               ayaw mo                    akong tulutang
                    bungkalin, tamnan, linangin
ang lupang namumuhaghag na sa kawalan 
ng kalinga.

                   Panginoon, iya'y lupa ng aking ugat;
lupa ng aking buhay, lupa ng aking kamatayan.
      Hayaan mo akong yakapin ang aking tabak,
Panginoon ko; ikaw na nasa dibdib ng mga ulap,
                      di ko man lang makita ang iyong
palad--tingnan mo ang akin, Panginoon,
    tingnan mo kung paano naglalapat 
        ang palad            ko           at              tabak.

Panginoon, sa balat ko pahahalikin, ang purol
          nitong malungkutin kong tabak; hindi
sa         iyo, aking Panginoon. Pagkat 
wala namang       pagkakataon        na magkakaharap
tayo.        Panginoon, sa aking balat, sa aking ugat
           at    kalamnan, mabubuhay itong malungkutin
kong tabak--

     ang balat ko't laman na isasampay ko
sa iyong ginintuang tarangkahan--makarating nawa
            sa tungko ng iyong ilong
                       ang alingasaw ng nabubulok kong
laman            at           nahubad na kalawang        
ng nabuhayan kong tabak.

Pag-ibig

ang pag-ibig ay:
halik sa noo ni Inang tuwing aalis ng bahay,
tapik sa balikat ng Amang naggagayat ng gulay,
pagligo sa ulan matapos ang mahabang tag-araw,
sumasayaw na aso sa ibabaw ng sangmangkok na lugaw,
hamog sa palay na sumagi sa binti ng nagsasaka,
pawis sa noo ng nagsisikap na sakada,
piso sa gilid ng daan na napulot ng paslit,
lambing ng pusang walang makaing tinik,
banggaan ng mga ulap para pasilipin ang silahis,
ngiti ng kasintahan nang maglaho ang inis,
iyak ng sanggol sa pagbuka ng hatinggabi,
hele ng Inang natutuyo ang labi,
tampo ng kabiyak isang gabing umuwing lasing,
mainit na kape at pandesal sa hapag pagkagising,
payo ng kaibigang iniwan ng kasintahan,
titig ng minamahal sa madilim na sinehan,
magkasiping na kamay sa ilalim ng payong,
alalay sa matandang lalaking humihingi ng tulong,
ulam sa mesa pagkatapos mag-saing,
malamig na tubig pagkapatos tumambling-tambling,
bahaghari sa mga sandaling wala nang mapala,
halakhak ng barkada sa laos na patawa,
basang-medyas na sa wakas ay naihubad,
hugas-ng-pinggan ng kapatid na tatamad-tamad,
kaway ng pulubing nakatingin sa langit,
tiwala sa sangkatauhan na di mo ipagkakait.


(inspirado sa aklat na Love is Walking Hand in Hand ni Charles M. Schulz)