kamangha-manghang kakayahan ang pagtalunton
sa bituka ng Maynila--ang mga sikot at ikot, baluktot
at simangot ng mga lansangan, eskinita't kalyehon--
at taglay nila ang mapa at inisasyon, ang katutubong
simbuyong hindi magpapabaligtad sa kanilang mga damit,
waring mga manlalayag sa gitna ng walang ngalang karagatan:
makauuwi sa paroroonan, makayayapak sa lupa
nang buo ang sarili at ganap ang mithing lakbayin
ang kapatagan.
---
ang kasaysayan ng Tundo ay nasasalamin sa mga plastik
na nagliliparan sa tuwinang naglalaro ang hangin.
ang kasaysayan nito'y nakabalangkas sa mga berdeng
larawan at letra sa mga hantad na katawan ng mga lalaking
alipin ng kanto at eskinita, ng mga sipol at inuman, ng mga
away at hulagway ng pekpek shorts at pulang lipistik.
ang kasaysayan ng Tundo ay kasaysayan sa baluktot
nitong kahulugan sa mga pahina ng diyaryo at telebisyon.
ang kasaysayan ay monopolyong inaari ng mga guni-guni
at pagmumuni ng mga makasusugpong ng siglo at milenyo
sa kanilang buong ganid na angkan. pagkat ang kasaysayan
ay kait at said sa ulirat ng nagtakda nitong maliliit:
silang bahagi sa digmaan at pagkawasak,
silang bahagi ng tiwasay
at pagbubuo.
---
sa kanto ng Coral at Quezon St., nag-abang si M upang
aking sunduin (bakit nga ba kung gabi'y kailangan pang
gumayak at magganyak ng alitaptap?)
sa kaunting lakad, makikilala ng iyong talampakan
ang init ng semento
at ang busina ng dyip ay hudyat
ng pagdating. inabangan namin si E sa kanto
ng Pacheco, sa tapat ng Generics Pharmacy.
lantad ang Lantad na paglalantad ng hindi mahubad
na sining sa luntian nitong damit--nagbabadya
ang nag-aabang na samyo ng kapayapaan
sa Kalye Camba, naiinip, naiinip!
---
sino ang dapat sisihin sa kalagayang nagsasadlak sa atin
sa maling panahon, sa maling pagkakataon?
---
ginisang repolyo
talong at bagoong
longganisa
kaning hindi na umaaso
mga plato
kutsara at tinidor
at sikmurang kailangang lamanan
upang ang sabak sa talim
ng alak ay hindi mag-iiwan
ng bangibing larawan sa tabi-tabi:
ang ginisang repolyo
talong at bagoong
longganisa
kaning hindi umaaso
at mga pulutaning
magsasamyo ng pandidiri
sa mga magdaraan.
---
tinotoldahan ang mga bisita sa Tundo:
ang balak na status ni E sa Facebook.
---
ang kapayapaan ay sumakanya,
kay J,
tugon:
at sumainyo rin.
itaas natin ang pamantayan
sa pagkaliyo,
tugon:
itinaas
na namin sa pagbabakasali.
---
walang mukha ang kalungkutan kahit sa rurok nitong anyo,
tulad ng,
walang tinig ang ligayang nakakulong sa sarili.
---
saan umuuwi ang tula
matapos nitong maglakbay?
---
maraming talakay ang inihain at nakain sa ibabaw
ng kuwadradong dilaw na lamesita:
si Charles Bukowski at kung paanong ang henyo
ay hindi henyo at ang henyo'y mananatiling henyo;
ang alak at ang masasamang balak ng kawalan
sa bulsang pinanawan ng laman; si e.e. cummings
at ang kanyang "r-p-o-p-h-e-s-s-a-g-r"; si Sylvia Plath
at ang kanyang maalindog na Confessional style
in the mood of suicidal tendencies; kung paanong
si Ricky ang pinakamahusay na manunulat sa buong
sanlibutan; at ang Agos sa Disyerto'y aagos
at aagos sa kunsaan man nitong mararating kahit
pa sabihin kailangan nang ibaon at hayaan
ang kanilang kamandag sa pahina ng kasaysayan;
ang teorya ay teorya at ang praktika ay teoryang
may patutuguhan; at ang UP ay toreng garing
ng mga mapagpanggap; ang akademya sa sarili
nitong anyo ay bulok na tinapay sa microwave oven;
ang didactic ay di deductive; magica objectiva;
Ars Poetica shitty shit shit sa ipat ni J;
organikong talino ang karanasan; EMR at ang husay;
ang dekada 30 at ang pagsusunog ng mga lumang aklat
Plaza Moriones upang patuluyin ang modernismo;
ang buhay bilang buhay na hulagway ng mga humihingang
mga bagay at ang interkoneksyon ng mga ito sa isa't isa;
self-identifier! self-identify! self! identity!; si M at
ang kanyang pusong ayaw ipanakaw; si E at
ang di matapus-tapos na pagkakalkula ng grado
ng mga mag-aaral; at ako, ang walang kamatayang ako
sa aking daigdig ng tula.
---
inihahatid sa hantungan ang bawat paglalakbay.
---
ang bituka'y may sadyang balangkas upang pakibagayan
ng mga ilalaman at ang mga manunulat at ang kanilang
mga talampaka'y una nang
nakatiyak ng paraan: maglakad pabalik sa umpisa.
---
at naroroon pa rin ang mga kaluluwang hindi pinatutulog ng basura,
tulad ng mga kaluluwang di pagpahingahin ng mga gulong at pedal,
tulad ng mga gulay na nabubulok sa gilid ng bangketa, tulad ng Cluster
Bldg. na mistulang higanteng uling sa pusod ng Divisoria, tulad
ng mga humuhukay ng kayamanan sa burol ng plastik, papel at putik,
tulad ng mga paa kong unti-unti nang sumasakit, tulad ng antok
sa mga mata ni M, tulad ng mga asong tila monghe sa kagubatan
ng lungsod, tulad ng mga nagsisimulang magsimula ng umaga, tulad
mo at tulad nilang nahihimbing pa sa lilim ng liwayway
---
pamamaalam at pagtitiyak ng kaligtasan
ang isa sa dila ng apoy na nagngangalang, pagkakaibigan.
---
pauwi, mag-isa kong tinunton ang kilala ko nang bitukang-lansangan,
bulok at hindi, nitong lupain nina Sakay at Bonifacio, Lualhati at Amado.
at hinding-hindi ako matatakot sa dilim at patalim; ilusyon at haka-haka
ang nakatanim sa iyong realidad.
---
hinihintay ako ng unan, hinihintay ako ng himlayan
at habang nag-iinat na ang umaga,
nagsisimula pa lamang ang aking pahinga.
---
tula ang bula ng malamig na serbesa.