Martes, Enero 1, 2013

Kapaskuhan

Mga bestidang nilukot ng likot sa pag-indak
At mga halakhak na animo’y sumasaliw sa awiting
Paulit-ulit na kumukudlit sa tainga kong humihiling, kahit
Kaunti, ng pansamantalang katahimikan. Hayaan akong regaluhan
Ng matiwasay na sandali kapiling ang butas na bulsa. Habang
Nahihibang akong nagtatago sa hindi nila makikita,
Nililibang ko ang sarili sa pangangantiyaw at pagpapaunawa:
Ang mga ngiti nila’y katumbas ng kanilang pagkatao, malaon.
Kaya’t pagbigyan ang kanilang layaw sa aginaldong limos
At limos na regalo—ang kabataan nila’y mauuwi sa kapagalan,
Mauuwi sa paghahanap ng puwang sa materyalisadong lipunan
Ng akala at hinala. Hindi ba’t ibinulong mo kagabi, sa pritong
Manok at ispageti: mamasko tayo sa kawalan habang kumakalam
Ang mga bituka ng sanlaksa. Huwag agawin ang ngiti. Huwag sa mga bata.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento