sinasapian din magkaminsan ng kung anu-anong
kabaliwan ang mga naiinip sa buhay at paghihintay
kaya nga, nang maisipan nating maligo sa alak
at isampay sa hangin ang ginintuang halakhak
hindi natin inihingi ng paumanhin ang gustong
likhain ng ating mga naisin at panalangin
ano nga ba ang awiting umiilanlang habang baliw
tayong nagtatampisaw sa kaligayahan?
hindi natin alam. at sino nga bang makaaalam
kung maging ang lamesitang himlayan ng ating
mga daliri at nakaugnay sa ating bituka at paninimdim
ay basang-basa at basang-basa ang ating kaululan?
ha! ha! ha! ang mga tipaklong sa kalunsunran,
muli na namang nakipagtugmaan sa kawalan
at katuturan. ang experia at nokia, ang lumpia
at sitsirya, ang mga kuwelang pakuwela at sablay
na agenda, ang mga bulong at pagkaburyong, ang yelong
humantong sa noo ng matanglawin! ay! paumanhin!
hindi layunin ang bukol at bituin tulad ng hindi nga natin
kailanman hinihiling ang katiyakan at pag-unlad
sa kasalukuyang pagkakapulong, tayo'y ligaw na baliw
at naghahanap ng iglap na aliw sa punit-punit nating buhay;
gayong payapa tayo nahihimbing sa mga payak na galak
ng mga hininga nating inilingkis sa lansangan
ng sapalaran, ng kapanglawan, hindi tayo mapipigil
sa kabaliwan, kaululan: ang mga mumunting ligaya
ng mga tulad nating nag-uumpukan sa kapayapaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento