Martes, Enero 1, 2013

Bulong

karugtong ng bawat niyang bulong
ang hiling na marinig ito, kahit
sa pinakamahina nitong usal.

mahilig siyang bumulong. bulong
sa bumbong ng kawayan. bulong
sa gulong. bulong sa puto bumbong.
bulong sa lumang barong. bulong
sa tulirong kanlong ni Aling Chayong.
bulong sa sumpong at galunggong.
bulong sa utong. bulong sa urong.
bulong sa sulong.

bumubulong siya dahil di niya kayang
sumigaw. dahil ang sigaw sa kaniya'y
napakababaw. parang lugaw na walang
sabaw. uhaw na balaraw. bugaw
at ampaw. ligaw na pagka-uhaw. parang
Cubao na walang taong-ligaw. kalabaw
na nakapingkaw. haw haw de kurimao.
bow wow wow. daw at raw.

ang bulong niyang takot sa sigaw,
ay alulong na sumasayaw
sa papawirin, papawi
ng dilim.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento