Martes, Enero 1, 2013

Wheelchair

mahigpit
ang pagkakakapit niya
sa maligamgam na bakal,
ang kanyang kakulangan:
mga paang pinanawan
ng pandama,
balakang na alipin
ng pagkakagupo
sa kutson
na walang anino

plastado
sa karsel
ng de-gulong niyang daigdig,
hindi matugunan
ng langit
ang kanyang hiling:
na ang paghihirap
nawa'y suklian na lamang
ng iglap na hinga
ng pamamayapa

bagkus,
sumpang ibinayubay
sa kanyang balikat
ang pagkalugmok
sa de-gulong niyang daigdig
pagkakakulong
sa de-tulak niyang pananalig

inip,
habang waring mabukadkad
na mirasol
ang mga labing sumasagi
sa kanyang balintataw
mga punyal itong
sumasakmal sa
sa pait ng kalagayan:
mga naising nalusaw,
mga guhong layunin,
at pangarap na nahimpil,
natigil

magkagayunman,
ayaw niyang alayan
ng luha
ang kanyang trahedya,
ang kanyang sarili...

sinalo ng maligasgas
na semento
ang ihi niyang naglandas
sa kutson,
sa bakal,
sa gulong
ng plastado niyang
daigdig.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento