kilalanin mo ang iyong damdamin
tulad ng pagkakakilala mo sa punit
ng iyong damit o ng pilat sa iyong tuhod
kilalanin mo ang iyong damdamin
tulad ng nililigawang dilag na naglalagi
sa likod ng mga anino o ng mga awitan
sa loob ng iyong mga tainga sa tuwinang
may rubdob sa gitna ng iyong paghinga
kilalanin mo ang iyong damdamin
tulad ng musmos na alam ang kahulugan
ng katanghalian o tulad ng matandang
tiyak ang ritmo ng kaskas ng walis-
tingting sa mga umagang isinisilang
kilalanin mo ang iyong damdamin
ang mga kalungkuta'y kumot na nakasakal
sa iyong leeg, na sumasagka sa gusto
mong ihantad na ngiti at ang galak
na halakhak ay minsang nagsasabwatang
pingkiang magtitirik ng apoy sa iyong
mga ulilang gabi ng guni-guni
kilalanin mo ang iyong sarili
kilala ka ng iyong sarili
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento