Tatlong bote raw ng Pulang Kabayo ang naiinip
sa ulilang sulok ng bahay nina Jude, intrega
niyang waring nag-uutos na diyos sa kaniyang
tagasunod. Isang matalim na ngiti sa aking labi,
nilusaw ko ang mga sandali sa pagmumuni:
hayok kami sa ligalig na inihahain ng kaluluwang
nagtatago sa ilalim ng tansan, mga halakhakang
nagitiyak ng kaligtasan sa mundong batbat
ng mga hungkag na danas at malas na sumbat,
itong mundong umiinog sa malisya't kamuwangan:
'Di bale nang sobra, huwag lamang kukulangin',
gintong aral sa bawat naming paghaharap sa ikit
ng basong hinahalikan ng pagod at ngiti.
Si Jack, nakatatagpo ng kapayapaan sa bagal
ng usad ng mga dapat niyang tahakin, alamin.
Si Edem, nahahanap ang sariling kamalian
at sampal ng sumpa sa samyo ng pagkaliyo.
Si Jude, tinatakasan ng kapagalan at inuusbungan
ng pagnanasang tumakas sa kasalukuyan.
Ako, inimumuwestra ang melodiya ng galak,
naglalaan ng sariling kahihiyan, binubuksan
ang mga paraan, nag-aanyong bungisngis
gayong may kaliskis ng pait at hinagpis ang sarili
upang kahit papaano'y ang sandaling magpapatag
sa pagkakaibigan, ay magbibigkis ng tiwala,
kahit sa kailaliman ng aking kaluluwa'y nagbabadya
ang katiyakang maaaring mawala
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento