Martes, Enero 1, 2013

Gitna

gumagapang ang mga ulap sa langit
tulad ng sanggol sa papag,
saan mapapadpad ang mga ito
kundi sa kabilang dako ng langit
maaaring sa ibabaw ng inyong bubong
maaaring sa silong ng bundok
sa hilaga o timog
maaaring mananatiling nakahiga
sa latag ng kalawakan
sa tuldok nitong pinagpakuan

mababasag ang mga ulap, malaon
at tulad ng mailap na pagkakataon
katulad mong hahatiran
ko ng lumilipad na halik
sa siksikang paliparan ng matatayog
na pangarap
mababasag ang magkatalik
nating mga daliri
ang mangungulila nating sarili

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento