Martes, Enero 1, 2013

Tatlong Taon At Mailap

may kaibhan ang manatiling dilat sa panahong naninigid
sa paligid ang lansa ng mga hininga at hugong ng traktora
at manatiling mulat sa mga yugtong lumisan na ang lagim
at nananatiling maitim ang lupang dapat ay kayumanggi

dilat ang mga matang nahabag't naluha sa mga eksenang
hinuhukay mula sa balakang ng bundok ang mga lasog
na katawang nagpulbo ng alikabok at mga matang tinakasan
ng takot at sumamo: pumailanlang sa mga basag na ulap

mulat ang mga matang hindi lamang mata kundi maging
mga kamay at paa, pawis at tinig ang inilalaan sa pagsungkit
sa katarungang ibinitin sa tuktok ng kawalang-katiyakan
at mga katiyakang nawawala: mga tala sa napipilas na sandali

---

tatlong taon mula noon
maririnig mo ang garalgal ng backhoe
habang inimumuwestra ang pagiging tila
isa nitong higanteng pala
na maglilibing sa mga naghahanap ng makakain
at maghahanap sa mga inilibing ng mga nagnanakaw
ng kanin
sa hapag ng kasalatan

---

kumusta ang lupa kunsaaan sila huling nadatnan?

umuusbong kaya ang mga sibol ng rosas?
kahit talahib ba'y nawalan ng katuturan?

o tigmak pa rin sa kawalan
tulad ng mga tisert at pantalong
napunit sa kalmot ng punglo?

---

limampu at walo
isa at isa ay tatlo

pilosopo!

isa sa limampu ay katwiran
at ang katwiran ay daigdig
na may danas at lunas

ningas!

---

tatlong taon mula ngayon
ay anim na taong paggunita
sa malagim na trahedyang
ang nagtampok sa atin
sa History Channel
nagtampok sa atin ng mga kaluskos
sa senado at kongreso
ukol sa pagbura at pagtutol
sa mga dinastiyang politikal
at mga pribadong hukbong
kontrolado't ipinisi
ng mga sabik sa kapangyarihan
at uhaw sa dugo at laman
nagtampok sa ating mga sarili
ng kilabot at takot
at bangungot at simangot
at gusot at lambot--

walang nangyari

---

walang nangyayari
at mangyayari kung mananatiling
tula at habag
ang mga pagbabakasali
at paghahanap

---

kaganapan ang sumapi
sa mga talampakan at kamaong
sunog sa lansangan
ng tunggalian

---

mga biktima:

Genalyn Tiamson - asawa ni Esmael Mangudadatu.
Eden Mangudadatu - kapatid ni Esmael Mangudadatu.
Rowena Mangudadatu - pinsan ni Esmael Mangudadatu.
Manguba Mangudadatu - tiyahin ni Esmael Mangudadatu.
Faridah Sabdulah - abugado
Farida Mangudadatu - bunsong kapatid ni Esmael Mangudadatu.
Farina Mangudadatu - kapatid ni Esmael Mangudadatu.
Concepcion “Connie” Brizuela - abugado.
Cynthia Oquendo - abugado.
Catalino Oquendo - ama ni Cynthia Oquendo.
Rasul Daud - driver.
Alejandro "Bong" Reblando - Manila Bulletin.
Henry Araneta - DZRH.
Napoleon “Nap” Salaysay - DZRO.
Bartolome “Bart” Maravilla - Bombo Radyo.
Jhoy Dojay - Goldstar Daily.
Andy Teodoro - Mindanao Examiner & Central Mindanao Inquirer.
Ian Subang - Mindanao Focus.
Leah Dalmacio - Mindanao Focus.
Gina Dela Cruz - Mindanao Focus.
Maritess Cablitas Mindanao Focus.
Neneng Montano - Saksi.
Victor Nuñez - UNTV.
McDelbert "Macmac" Arriola - UNTV cameraman.
Jolito Evardo - UNTV editor.
Daniel Tiamson - UNTV driver Reynaldo.
Reynaldo Momay - Koronadal-based journalist.
Rey Merisco - Koronadal-based journalist.
Ronnie Perante - Koronadal-based journalist.
Jun Legarta - Koronadal-based journalist.
Val Cachuela - Koronadal-based journalist.
Santos "Jun" Gatchalian - Davao-based journalist.
Joel Parcon - Freelance journalist.
Noel Decena - Freelance journalist.
John Caniba - Freelance journalist.
Art Betia - Freelance journalist.
Ranie Razon - Freelance journalist.
Archie Ace David - Freelance journalist.
Fernanado "Ferdz" Mendoza - Freelance driver.
Eduardo Lechonsito - Tacurong City, Sultan Kudarat government employee.
Cecille Lechonsito - asawa ni Eduardo Lechonsito.
Mercy Palabrica - katrabaho ni Eduardo Lechonsito.
Daryll delos Reyes - katrabaho ni Eduardo Lechonsito.
Wilhelm Palabrica - driver.

---

KATARUNGAN!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento