Martes, Enero 1, 2013

May Mga Mata Tayo Sa Likod

may mga mata tayo sa likod
kaya nga't di tayo nadadapa
na batok ang nangungudngod
may mga mata tayo sa likod
hindi ba ang puyo'y parang mata
ng bagyo, kaya may ilang nalulugod
kapag higit sa isa ang umiikit
sa ibabaw ng ulo ng batang makulit
may mga mata tayo sa likod
pansinin ang mga kutob:
bumabalik tayo sa pinagmulan
nasa likod natin ang mga hinala
at akala sa mga sandaling tulala
may mga mata tayo sa likod
nang higit pa sa harap, nahahagip
natin ang bukas o hinaharap
sa isang iglap ng paglingon
sa likod ng mga nalagas nang panahon
may mga mata tayo sa likod
kaya nga't naroroon ang gulugod
parang isang nakatayong tungkod
na di maaaring mamaluktot, lumuhod
kundi manatiling nakasunod
sa hikayat ng sibilisadong lungsod
kaya nga't may mata tayo sa likod
na higit pa sa mga matang inibabawan
ng noo, dahil oo, ang katiyakan
panginoon natin ang nakaraan:
ang mata natin sa likuran
na di masasaktan ninuman.


(pasintabi kay Macky Serrano Salvador at sa tula niyang "Wala Tayong Mata Sa Likod")

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento