kaninang pananghalian, naalaala kita, Angelo Malbas
paanong hindi? gayong ang mga tutong sa bahaw
kong kanin ay nag-anyong mga paa mong nagsa-uling
sa tadyang ng poste habang nakalingkis ang kadenang
nagsilbing rehas mo't bartolina.
ano ang pakiramdam ng nakikipagbuno sa mga dila ng apoy,
Angelo? ito ba'y katulad lamang ng kagat sa batok
ng tirik na araw sa katanghalian? ito ba'y katulad lamang
ng kalmot sa dila sa masungit na kape? o ito ba'y katulad
din ng dilim na binadyaang sakupin ng liwanag ng kandila?
ito ba, Angelo, ay higit pa sa aking mga akala?
kaninang hapunan, naisip kita, Angelo Malbas
paanong hindi? gayong ang sabaw sa tinolang manok
ay umalon at animo'y gustong kumawala sa mangkok,
tulad ng maliligalig na tubig na nagpasasa sa pagkitil
ng mga dilang sa iyo'y nagpiyesta. humalakhak ka ba,
Angelo, nang marinig mo ang awit ng mga sirena? gaano
mo natiyak ang kaligtasan sa wisik ng bendita?
nabatid mo ba ang katapusan sa pilas ng posteng
nagsilbi mong sandigan? o hiniling mong malusaw
ang kadena sa iyong paa kalakip ng tiwalang hindi
karamay ang iyong laman at buto? ano ang amoy
ng natutupok na pag-asang iyong nakaulayaw, Angelo?
bukas, kinaumagahan, makikilala kita, Angelo Malbas
at bakit hindi? gayong ang pagkakabasag ng tumpok
ng sinangag sa naglamat kong plato'y magpapagunita
ng marurupok na pundasyon ng pag-unawa
sa mga tulad mong walang batid sa normal na daigdig.
katulad mo'y hindi kami humahalakhak nang walang
dahilan at hindi lumuluha nang walang kaalaman,
dahil tiyak sa amin ang lahat, tiyak ang mga damdamin
at tiyak ang pagkilala sa mali at malisya, sa mga tama
at patama. ngunit, Angelo,
wala kaming ibang alam gawin kundi pagdudahan
ang mga dalisay sa mundo, ang tulad mo, ang inosente
mong kawalan, ang lihis mong pagdantay sa reyalidad
na sa amin ay isang kabaliwan
na dapat matupok.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento