tahimik pa rin sa iyong kuwarto.
kung paano mo ito iniwan
noong huli mong pagbisita,
walang nabago, kundi ang pagdami
ng alikabok sa kisame at ang paglagom
dito ng dilim kahit katanghalian.
naroroon pa rin ang mga aklat,
ang salansan na ikaw lamang ang nakaaalam.
ang gusot ng kumot at lungkot ng unan,
walang ipinag-iba sa kurtinang wala
nang alon. ang tsinelas mong magkatabi,
katulad pa rin ng dati, naghihintay
ng mga talampakang mahilig sa lakbayin.
tahimik pa rin sa iyong kuwarto.
bagamat kuyom na kuyom ang kamaong
nakalarawan sa nagtuklap na poster
sa binabalakubak mong dingding;
bagamat ang tatlong boteng nakatumba
sa paanan ng iyong papag ay pinamahayan
na ng ipis at gagamba. bagamat naglalamat
na ang ulirat ng mga tisert at pantalon
mong kinalinga ng plantsa. bagamat
sumisinghal ang alaala sa bawat sulok
at rurok ng iyong pahingahan,
umaasa pa rin kami, na isang araw,
isang araw mula ngayon, maririnig namin
ang mga yabag mo sa gitna ng hatinggabi,
kakatok sa pinto, hahalik sa pisngi, ngingiti,
katulad ng palagi mong ginagawa
noong hindi pa nakatala ang iyong ngalan
sa aming mga pangamba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento