Martes, Enero 1, 2013

Bentilador

may puyo kang kaya kong titigan nang higit
pa sa lalakbayin ng kasaysayang di pa
nabubuo, parang mirasol na nakamanman
sa araw; ang mga dila mo lamang
ang ayaw kong ipanamnam sa aking mga mata,
pagkat naliliyo ako, ibinabalik sa mga alaalang
binura, nabura at mabubura;
ang garalgal ng iyong pag-iral bilang
tagapagsaboy ng kontroladong hangin
ay higit pa sa musikang nananalaytay
sa madaling-araw, higit pa sa mga Mahler at Bach,
higit sa awitin ng ulilang ibon sa ulilang parang
sa ulilang nayon;

at kailangan kong umahon sa iyong ilusyon,

lamunin mo man ang nananalaktak kong pawis,
makina ka pa ring hindi pagbibigyan ng panahon,

kaya't kailangan kong dumalangin sa naiinip na hangin:
ang organikong hiningang kailangan kong hawiin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento