nakangangang mangkok ang buwan
at mga bubog ng basag na baso
ang mga bituin
sa langit,
mas madilim ang kalyeng kilala
ng aking talampakan kaysa noon,
parang balahibo ng dagang nginangatngat
ang kawalan, matalim na nakamasid
sa mga kaluluwang alipin ng gabi,
tulad ko
--talagang mas madilim
ang gabi tuwing Nobyembre,
kung bakit nga ba sila nangatitirik
ng kandila, kung bakit ang mga santo
at kaluluwa'y kumakaway sa pahina
ng Nobyembre
pilipit na sikmura at balisang guniguni,
gusto kong itaob ang mangkok na buwan
--marahil ay may kung anong mangunguya
ang aking panagimpan,
o kainin ang bubog na mga bituin,
tulad ng lalaking gumagawa nito
at itinatago ang sakit
sa harap ng madla,
kasabay ng masigabong tuwa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento