Mali man, o isang kahibangan, umasa ako sa paglalamat
Ng lupa at semento. Ang pagyanig ng mga pangamba, nag-iiwan
Sa akin ngiti. Dahil hinulma tayo sa takot, sa mga di natin makita,
Sa hindi natin maipaliwanag—ang mga pagtatakda, gaano man
Kahungkag at wala sa hulog, kahit kaunti, kahit munti
Ay lumilikha ng dasal at pagninilay. Kahit pagpisyetahan ito
Ng mga diyaryo at telebisyon, kahit pagputahan ng mga tupa
Ang polemikong tugon sa pagkagunaw, maglalamat at maglalamat
Ang lupa. Salatin ang sariling palad, may kalyong nagbabakbak:
Tanda ng katapusan ng malalambot na haplos sa minamahal.
Mali man, at oo, totoong mali ang umasa sa katapusan
Tulad ng mali rin ang umasa sa himala at tiwala, pakay ko
Pa ring maniwala; matagal nang natapos ang lahat, may lamat ang alamat:
Pagkagunaw ang pag-uulit, katapusan ang pagtiwalag sa bulong ng kasaysayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento