Martes, Enero 1, 2013

Larawan

parang makikinang na mga perlas at diyamante at mga kuwintas
na ginto sa baul ang hilatsa ng nakalantad na larawan sa kuwadro
ng aking bintana. masinop ang galaw ng mga dahon ng halaman
na di ko alam ang ngalan. ang hangin, may halong kilig kapag
dumadantay sa aking balikat kasabay ang nangangalmot na alinsangan
na aywan kung paano ko ilalarawan. saglit na umawit ang pusang
di ko nakikita, marahil ay nangungusap ng tinik o malansang bituka:
tanghalian na kasi at tiyak na kumakalam na rin ang pusa niyang
sikmura. sa malayo, umuungol-gumagaralgal ang tambutso ng alin-
langang sulong, alinlangang urong ng motorsiklo, saan dadalhin ng gulong
ang tangan nitong nilalang? may balita sa langit: namatay ang isang
lalaki habang madulas ang daan sa highway. sakay ng motorsiklo.
biglang-preno, lumipad sa pagitan ng lupa at papawirin, sapul ang ulo
sa semento, parang kalyong bumuka ang kanyang bungo, sambulat ang dugo.
bagong panganak ang kinakasama, di na inabot ang pasko, wala
nang puwang para sa bagong taon ang kanyang hinabing lungkot.
may balita sa lupa: isang babae sa India ang ginahasa sa bus ng kalalakihang
sabik sa laman sa pagitan ng hita at dignidad. nasaan ang tiwala at pag-asa,
sa pinunit na katawang umiimpis sa paglipas ng mga minuto at oras?
ganito nga ba kabilis ang buhay? ang nakikita kong yaman sa kuwadro
ng aking bintana, sabihin mo sa akin, ay isa lamang bang guniguni?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento